Inaresto ng mga pulis sa Aklan ang isang lalaki dahil mayroon siyang nakabinbing arrest warrant. Pero hindi alam ng mga pulis na kaarawan pala ng lalaki na dinala sa presinto.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nangyari noong Martes ang pag-aresto ng mga pulis sa lalaki sa Altava, Aklan.

Ang pag-aresto sa lalaki ay bunga ng arrest warrant niya sa kasong illegal possession of firearms at frustrated murder.

Nagulat umano ang lalaki nang arestuhin siya dahil hindi niya alam na may kinakaharap pala siyang kaso.

Nang dahil sa presinto ang lalaki para iproseso, doon na nalaman ng mga pulis na kaarawan pala ng lalaki nang araw na isilbi nila ang arrest warrant.

Nag-ambagan umano ang mga pulis para maibili ng cake ang lalaki kahit nakadetine sa police station.

Ikinatuwa naman daw ng lalaki ang ginawa ng mga pulis kahit pa inaresto siya sa kaniyang kaarawan. --FRJ, GMA News