Muntik nang malunod matapos mawalan ng malay habang nasa kompetisyon sa Budapest ang American artistic swimmer Anita Alvarez.

Sa ulat ng Reuters, sinabing kaagad na tumalon sa swimming pool ang coach niyang si Andrea Fuentes nang makitang lumubog si Alvarez.

Lumalaban si Alvarez sa world championships sa Budapest nitong Miyerkules nang mangyari ang insidenteng nagdulot nang labis na pagkabigla sa mga nanonood.

Ayon sa ulat, kaagad na tumalon si Fuentes, four-time Olympic medallist sa synchronised swimming, nang lumubog si Alvarez sa ilalim ng pool habang sumasabak sa solo free final routine.

Nang maiahon, binigyan ng paunang atensyon medikal si Alvarez bago inilagay sa stretcher at inalis sa lugar. --Reuters/FRJ, GMA News