Umangat ang makina at ang lalaking contractor nang may sumabog sa ilalim ng lupa na kaniyang hinuhukay sa isang farm sa England.

Sa video ng GMA News Feed, makikita ang lalaki na nakatayo sa tabi ng makina na gamit niya sa paghuhukay upang magtayo ng bakod sa farm.

Maya-maya lang, nagkaroon na nang malakas na pagsabog mula sa ilalim ng lupa. Umangat sa ere ang makina at ang lalaki.

Sa kabila nang malakas na pagsabog, nagawa ng lalaki na makatayo at makalayo sa lugar.

Lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na may tinamaan na gas pipe ang makina na dahilan ng pagsabog.

Dahil nagpatuloy ang pagsingaw ng gas, kinailangang palikasin ang ibang nakatira sa paligid ng farm. May peligro kasi na maaaring pagmulan ito ng malaking sunog.

Ayon sa isang residente, katumbas ng limang taong supply ng gas ng buong village ang tumagas dahil sa insidente.

Tumagal ng 12 oras bagong naisaayos ang nasirang gas pipe.--FRJ, GMA News