Inamin ni Shayne Sava na nagduda siya sa sarili kung mananalo pa sa "StarStruck" dahil matatangkad, mapuputi at sexy ang ilan niyang kalaban.

Sa isang episode ng Bawal Judgemental ng "Eat Bulaga" na naging bisita si Shayne, sinabi ng young star na inakala niyang hindi siya nakapasa sa naturang Kapuso reality talent show dahil Pebrero (2019) siya nag-audition pero Abril (2019) pa siya natawagan.

Doon niya nalaman na napasok siya kasama ng iba pang 78 kalahok.

"Sobrang saya. Kasi siyempre once in a lifetime opportunity iyon na makapasok ako. And noong nakapasok po ako roon, sobrang kinakabahan ako kasi ang daming magaganda, ang daming matatangkad, mapuputi, sexy," sabi ni Shayne.

Hindi raw inakala ni Shane na mauungusan niya ang iba pang female contestants dahil maliit lang siya.

"Tapos ako, parang maliit, ganiyan. Feeling ko talaga hindi ako makakapasok that time. Ayun po, pinagpala naman ni God kaya nakapasok po," sabi na bida ngayon Kapuso series na "Raising Mamay."

Ikinuwento naman ni Shayne na ang kaniyang lola ang nagsilbi niyang lakas para makayanan niya ang mga hamon sa pagsali sa "Starstruck."

"Yung lola ko talaga. Kasi siya 'yung naging lakas ko throughout the journey po ng Starstruck ko. Kasi siya 'yung nag-aalaga sa akin, sumasama sa akin, Binangonan hanggang QC, nagbabalikan po kami. Feeling ko po siya po talaga 'yung reason," kuwento ni Shayne

Itinanghal si Shayne bilang StarStruck Season 7 Ultimate Female Survivor at si Kim de Leon bilang Ultimate Male Survivor.

Pagpuri mula kay Jose Manalo

Pinuri naman si Shayne ni Jose Manalo, na isa sa mga naging hurado noong StarStruck Season 7.

"Mahirap sa mga ganiyang contest?" tanong ni Jose kay Shayne sa Bawal Judgemental segment.

"Opo. Judge po namin kayo doon eh! Nakakatakot po pala!" biro ni Shayne tungkol kay Jose.

Gayunman, humanga si Jose sa pagpupursigi noon ni Shayne.

"Pati 'yung aktingan na pinagawa sa kanila noon, talagang magagaling 'yung mga artistang kasabay niya at makikita mo sila (contestants) kung paano kainin ng artista, na hindi na makapag-react dahil nasa-shock sila. Pero itong bata na ito, maayos," sabi ni Jose. --FRJ, GMA News