Palaisipan sa ilang residente sa Marulas, Valenzuela ang biglang pagkawala ng mga isinasampay nilang bra sa labas ng kanilang mga bahay.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Aling Leonida na ilang buwan na silang napeperwisyo at halos naubos na ang bra nila ng kaniyang anak.

Mga malalaking bra din lang umano ang tinatangay ng kawatan na nasa size 36 at 38.

Kaya si Aling Leonida, sa loob na ng bahay nagsasampay ng bra. Kung minsan, nilalagyan din niya sili ang bra para mangati ang dibdib kung sakaling nakawin itong muli.

Maging ang kapitbahay niyang si Aling Gemma, natatangayan din ng mga sinampay na bra kahit pa nasa loob ng kanilang bakuran.

Dahil ilang buwan na umanong nangyayari ang nakawan, hindi maiwasan ng mga residente na mag-isip kung sino ang posibleng nasa likod ng pagkawala ng mga bra.

Kabilang sa hinala nila ay baka may lalaking ibinabaling ang pagnanasa sa bra. Maaari din umanong ibinebenta ng kawatan ang mga bra.

Upang malaman kung sino ang tirador ng mga bra sa lugar, naglagay ang "KMJS" team ng camera sa makikita ang harapan ng bahay nina Aling Leonida  at Aling Gemma. Mahuli-cam kaya nila ang salarin?

Panoorin ang buong pagsisiyasat sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA News