Sa kagustuhang makabalik sa "Eat Bulaga," nag-apply bilang technical support team ng programa ang 'dating' dabarkads na si Miles Ocampo.

Sa pagsisimula ng programa nitong Miyerkules, nakita si Miles sa loob ng studio bitbit ang kaniyang resume.

Nakasaad na gusto niyang mag-apply na camerawoman. Kasama rin ang ilang impormasyon tungkol sa kaniya at ang layunin niyang--#ComebackDabarkadsMiles.

Ayon kay Miles, nakita niya sa Facebook post ng “Eat Bulaga” na may mga bakante sa programa kaya nagbakasakali siya.

“Hello Dabarkads, na-miss niyo ba ako?” sabi ni Miles. “'Di ba wala ako kahapon. Nung Monday, wala rin. Na-miss ko kasi kayo talaga. ‘Di naman ako puwedeng bumalik nang wala lang.”

Binigyan naman siya ng pagkakataon ng mga dabarkads at director na patunayan ang sarili bilang "trainee."

 

 

Ipinakita naman ni Miles na “super ready” siya na kaagad pumuwesto sa camera.

Sa Instagram account ng "EB," makikita si Miles na nagbibigay din ng instruction sa live audience na pumalakpak na trabaho rin rin ng mga floor director.

Nitong Sabado, natanggal si Miles bilang host ng programa matapos siyang matalo “Bida Ex” segment, na spin-off sa “Bida Next,” ang contest para makahanap ng bagong host ng programa.

Nitong nakaraang Lunes naman, nagmakaawa si Miles na bigyan sana siya ng pagkakataon na makabalik sa "Eat Bulaga."— Jamil Santos/FRJ, GMA News