Dapat ang bride ang maging pinakamasayang babae sa kaniyang wedding day lalo na kung sa simbahan. Pero sa nangyari sa isang babae sa Bohol, naging pasakit ito dahil sa "abay" na babae na kasama ng kaniyang groom.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang viral post sa social media sa nangyaring kasalan nina Jorryme Lorono-Vodisek at Slovenian na si Ales Vodisek, sa Dimiao Bohol noong nakaraang buwan na pinagpistahan ng mga "marites."

Sa larawan kasi, marami ang nakapansin sa tila pagiging "close" ng groom na si Ales at ang inakalang "maid of honor" na si "Betty," hindi niya tunay na pangalan.

Paglilinaw ni Jorryme, hindi niya "maid of honor" si Betty. Sa halip, ang kaniyang mister na si Ales ang nagsama kay Betty sa kasal bilang "best woman," dahil wala siyang ibang kaanak sa Pilipinas.

Subalit marami ang nakapuna sa araw ng kasal na tila mas naging abala pa si Ales sa pag-asikaso kay Betty, kaysa sa kaniyang bride na si Jorryme.

"Dapat sila [Ales at Betty]  na lang ang nagpakasal," puna ng isang dumalo sa kasal.

Ayon kay Jorryme, June nang makilala niya sa dating app si Ales. Pagkaraan ng tatlo o apat na araw, pumayag siyang makipagkita rito.

Ngunit nagulat siya nang malaman niyang nasa Bohol na pala si Ales.

Gayunman, naging maayos daw ang pakikitungo sa kaniya ni Ales at kaagad na nahulog ang kaniyang loob.

Hindi nagtagal, inalok na siya ng kasal at ipinakilala pa sa mga magulang ni Ales via internet. At ang sumunod, civil wedding.

Sa civil wedding, nandoon na si Betty para magsilbing witness sa kanilang kasal. Pero kahit sa kanilang mga lakad, nandoon pa rin si Betty.

Ipinagtataka rin ni Jorryme na nagpupunta sa kanilang apartment si Betty kahit wala siya para ipagluto raw si Ales.

Hanggang sa nalaman ni Jorryme na naging ka-LDR (long distance relationship) pala ni Ales ang kapatid ni Betty. Nang maging heart broken si Ales, si Betty umano ang umalalay sa dayuhan.

Hanggang sa nangyari na ang kanilang kasal sa simbahan na tuluyang nauwi rin kaagad sa hiwalayan ng mag-asawa.

Sa labis na sama ng loob, si Jorryme, naospital pa.

Ano nga ba ang dahilan ni Ales at tila biglang lumayo ang pagtingin niya sa kaniyang bride? At ano naman ang masasabi ni "Betty," na lumilitaw na dahilan ng hiwalayan ng bagong kasal? Panooring ang buong kuwento sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA News