Emosyonal at labis ang galak ng isang 78-anyos na lola matapos siyang sorpresahin ng lalaking kaniyang kinupkop noon at itinuring niyang anak sa Bansud, Oriental, Mindoro.Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapapanood ang unang pagsorpresa kay Nanay Violeta Banastas o Nanay Violy, nang may dumating na isang van na puno ng mga lobo at bulaklak. Nakatanggap din siya ng bouquet na may kasamang pera at bagong wallet.Ngunit ang tunay na nagpaluha sa kaniya, isang certificate na nagsasaad ng “Best Mother” award.“Happy, happy birthday, Nay! Salamat po sa lahat-lahat. Marami pong salamat sa pag-aalaga niyo sa akin. Lagi ko kayong ipinagdarasal at hinding hindi ko kayo malilimutan. Maraming salamat, inay,” saad sa mensahe na mula kay Raffy Galindez, na kinupkop niya noon.“Huwag kayong mag-alala. Kahit hindi akong makakauwi riyan, lagi kayo kasama sa dasal ko na bigyan ka ni Lord ng napakalakas na pangangatawan. Enjoy your birthday. Happy birthday. Mahal na mahal kita,” ayon pa ni Raffy.Bago nito, sa pagsasaka itinaguyod ni Nanay Violy at ng kaniyang mister ang anim nilang anak.Taong 2006 nang patuluyin ni Nanay Violy sa kanilang tahanan ang isa sa mga naging estudyante ng kaniyang mga anak na si Raffy, na musmos pa lamang noon.“Isang napakalaking blessing sa amin mag-anak. Dahil kung siya man ay aming natulungan, lalong higit ang naitulong niya sa amin, sa aking mga po,” ayon kay Nanay Violy.Ayon sa mga anak ni Nanay Violy, marunong makisama si Raffy at masipag mag-aral. Naging katuwang din ito ni Nanay Violy sa mga mga gawaing bahay.Kasa-kasama niya rin itong magsimba at katabi pa niya sa pagtulog.“Siya nga ang aking bunso, maalaga sa aking mga anak at apo at maging sa akin. Kaya ako’y nagpapasalamat sa Panginoon Diyos at siya ay dumating sa amin,” anang lola.Pinag-aral din ng pamilya ni Nanay Violy si Raffy hanggang kolehiyo. Ngunit pagkaraan ng halos isang dekada ng panunuluyan sa pamilya nina Nanay Violy, umalis at bumukod na si Raffy.Nasa Pasay City na ngayon si Raffy, na nagtatrabaho sa isang travel agency.“Itinuring po ako bilang kadugo ba. Doon ko po naranasan ‘yung maging masaya ‘yung buhay ko,” sabi ni Raffy.Nakatira sa bundok sa isang liblib na barangay sa bayan ng Bansud ang tunay na pamilya ni Raffy.Kalaunan, naging malapit ang loob niya sa kaniyang teacher, na anak ni Nanay Violy. Kaya noong alukin siya nito na tumira sa kanila sa bayan, hindi na siya nagdalawang-isip, at nakakita ng oportunidad para makapag-aral.“‘Yun po ‘yung nagparamdam sa akin ng tunay na nanay,” emosyonal na sabi ni Raffy tungkol kay Nanay Violy.Kalaunan, nagdesisyon si Raffy na umalis sa poder nina Nanay Violy dahil sa nagkakaedad na ito, at naiisip niya na ring magtrabaho.“Siya nga ay ayaw kong paalisin. Gusto ko ay ‘Anak magtapos ka muna. Para kung ikaw ay manawa sa iyong trabaho, ikaw ay may babalikan,’” sabi ni Nanay Violy.Gayunman, hindi nakatapos ng pag-aaral si Raffy at madalas subsob sa trabaho kaya walong taon na siyang hindi nakakabisita kina Nanay Violy.Kaya naisip niya na lang na sorpresahin si Nanay Violy ng regalo sa ika-78 kaarawan nito.“Doon man lang, mapasaya ko man lang si Nanay Violy. Kahit sa kaunting halaga lang. Kasi, habambuhay kong itatanaw ng utang na loob sa kaniya ‘yung buhay ko,” sabi ni Raffy.Dahil matagal na siyang hindi nakakauwi, naisipan ni Raffy na sorpresahin muli ang kaniyang Nanay Violy sa pamamagitan nang pag-uwi sa Bansud upang makita nang personal ang itinuring na niyang ikalawang ina. Tunghayan ang nakaaantig nilang pagkikita sa video ng “Kapuso Mo, Jessica Soho.” Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News