Sa ginawang prank ng "The Boobay and Tekla Show" kay John Vic De Guzman, ikinuwento ni Rhian Ramos na bahagya siyang na-offend sa Kapuso "hotlete" nang kunwaring aksidente siyang mahalikan nito sa lips sa isang event nang una silang magkita.

Ayon kay Rhian, kunwaring napa-isip siya nang makita niya sa studio ng "TBATS" si John Vic dahil tila pamilyar ito sa kaniya.

Guest sa "TBATS nitong nakaraang Sunday episode si Rhian, habang isa sa tinatawag na "mema squad" ng show ang volleyball player at Kapuso na si John Vic.

Hanggang sa maalala kunwari ni Rhian na nagkita sila noon ni John Vic sa isang film festival at doon siya nilapitan at tinangka nitong-i-beso [kiss sa cheek].

Pero sa halip na sa pisngi, tumama raw sa lips ang halik ni John Vic, at hindi daw nag-sorry sa kaniya ang binata kaya bahagya siyang na-offend.

Si John Vic, halatang napapaisip at hindi raw matandaan ang ikinukuwentong insidente ni Rhian.

"Kung nagawa ko man 'yon... eh 'di congrats sa akin," biro ng binata.

"Sorry kung ano man 'yon, kung nangyari talaga 'yon," sabi pa ni Jonh Vic, na panay ang dahilan na hindi niya talaga matandaan ang sinasabing aksidente paghalik niya sa lips ni Rhian.

Nagpaalala naman si Rhian sa ibang lalaki na huwag gagawin ang paghalik sa lips kung hindi ready, o ayaw ng babae.

Habang tila patuloy na napapaisip pa rin si John Vic at may pagkakataon na natatahimik na, isinigaw na ni Rhian ang "magic word" na, na-"TBATS!" o na-prank ang binata. Panoorin ang nakatutuwang episode.-- FRJ, GMA News