Kung ma-i-stranded sila sa isang isla sa tunay na buhay, pipiliin pa rin nina Derrick Monasterio at Elle Villanueva na makasama ang isa't isa gaya nang karakter nila sa afternoon series na "Return To Paradise."

"Kung ma-stranded ka sa island, ano o sino ang dadalhin mong companion?" tanong kina Derrick at Elle sa "Surprise Guest with Pia Arcangel."

"Si Derrick," sagot ni Elle.

"Kasi malakas siya, so uutus-utusan ko na lang si Derrick doon. 'Kunin mo 'yung buko diyan sa taas, ganu'n," pabiro pa niyang paliwanag.

"'Derrick sayaw!' 'Derrick sing!'" natatawa pang dagdag ni Elle.

Nang si Derrick naman ang sumagot, sinabi ng binata na si Elle ang kaniyang pipiliin.

"'Pag sinabi kong hindi si Elle magagalit 'yan kasi sinabi niya ako," sabi ng aktor.

"Pero honestly first option ko ikaw talaga, Jam (Elle). Kasi nagawa na natin ng 10 days, so feeling ko kaya natin ng 10 years," sagot ni Derrick.

"Grabe naman 'yung 10 years sa isla, ano na tayo nu'n?," komento ni Elle.

Parehong sinabi nina Derrick at Elle na dahil sa nabuo nilang bonding sa series, nagkaroon din sila ng magandang working relationship.

"Ang ganda talaga ng nagawa naming working relationship. As in hindi pa kami nag-aaway, hindi pa kami nagkakatampuhan. Tapos every time na mahihirapan kami sa isang scene, we would try to help each other. And then kunwari 'pag may eksena kami, ang hugot lang namin is kung ano ang na-share namin sa isa't isa with our personal lives," kuwento ni Elle.

"Titingan lang namin 'yung isa't isa sa mata tapos from there on, may nararamdaman na kami, tapos mag-slide na lang 'yung lines, 'yung emotions. Ang sarap kapag 'yung katrabaho mo, ganoon," dagdag ng aktres.

Kinunan ang mga eksena sa "Return To Paradise" sa Jomalig Island sa Quezon.

Dahil sa isla ginagawa ang taping na mahina ang signal, walang ginawa sina Derrick at Elle, pati na rin ng production, kung hindi ang mag-bonding sa set.

"Parang mabilis nangyari ang lahat, kasi feeling ko kilala ko na si Elle for like 10 years, more than, ganu'n. Kasi ang dami ko na talagang alam tungkol sa kaniya, and I'm very comfortable with her. I tell her most of my problems, my secrets, some" sabi ni Derrick.

"Nag-o-open up din siya sa akin, pinapa-feel niya kasi na 'It's okay to talk to me, you can talk to me and we can solve this together.' Ganu'n 'yung relationship namin, not just working relationship, mayroon din kaming relationship off cam," dagdag ng aktor. --FRJ, GMA News