Nag-viral sa social media ang isang larawan ng babae na nakasakay sa motorsiklo na suot ang kaniyang wedding gown habang papunta sa simbahan sa Cebu City.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang bride na si Jessica Marie Lubay, na nakuhanan habang nakasakay sa motorsiklo sa gitna ng matinding trapiko sa lungsod.

Gaganapin daw ang kasal ni Lubay sa San Pedro Calungsod Parish sa South Road Properties noong Martes ng hapon.

Pero dahil sa matinding trapiko, may back-up plan na raw ng wedding planner ni Lubay na si Carlo Abaquita.

“Very unusual pero exciting at the same time. So na-surprise ako,” saad ni Abaquita.

Dumating on-time sa simbahan si Lubay at hindi na muling naunsiyami ang kaniyang kasal.

Napag-alaman na nagplano na ng kasal ng mag-asawang Jessica at Josephus Bunado noong May 2020 pero hindi natuloy dahil sa pandemya.

Ang mag-asawa ay parehong nagtatrabaho bilang nurse sa ibang bansa.

“I was really apprehensive before… I don’t know how the wedding will go. But it was actually amazing. He prepared everything,” ani Josephus. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News