Naging maganda ang simula ng mag-asawang government worker nang sumabak sila sa "Pinoy Henyo" ng "Eat Bulaga." Pero habang tumatagal, hindi pa rin mahulaan ni mister ang tamang salita kaya tumindi na rin ang pressure sa kaniya ni misis na nagbibigay ng clue.

Dahil nahulaan ng naunang couple ang tamang sagot sa loob ng mahigit 29 na segundo lang, kailangan ng mag-asawang Patrick at Angelou, na makuha ang tamang sagot nang mas mababa sa naturang oras.

Si Patrick ang napiling manghula sa salita, habang si Angelou naman ang tagapagbigay ng clue.

Naging maganda ang simula ng mag-asawa dahil kaagad na nabasa ni Angelou ang pinapahulaang salita na "rice cooker" kahit nagpapalit-palit pa ang mga letra nito.

Kaya nakuha rin agad ni Patrick ang mga clue na bagay ang pinapahulaang salita, nakikita sa kusina, at may saksakan sa loob pa lang 12 segundo.

Kaya naman nagbanggit na si Patrick  ng ilang bagay na may saksakan na nakikita sa kusina gaya ng microwave at oven toaster.

Tumaas na ang tensyon nang kumain na ng 20 segundo ang kanilang oras at hindi pa rin nakukuha ni Patrick ang tamang sagot.

Nang lumampas na ang mahigit 29 na segundo, naging matindi na ang tingin ni Angelou kay Patrick.

Biro ng mga natatawang dabarkads: "Away 'to!'

Kinalaunan, nakuha rin ni Patrick ang tamang sagot na rice cooker sa oras na isang minuto at limang segundo.

Ayon kay Angelou, hindi nagsasaing sa kanilang bahay si Patrick.

Hindi man sila ang pumasok sa jackpot round, nanalo naman sina Angelou at Patrick ng P10,000, at sweet pa rin naman sila sa isa't isa. Panoorin ang masayang tagpo sa video.--FRJ, GMA Integrated News