Ngayong isa nang social media sensation, inilahad ni Madam Inutz na nakakaluwag-luwag na ang pamumuhay niya ngayon at marami sa kaniyang mga crush at mga dating nobyo ang nagpaparamdam sa kaniya.

Sa "The Boobay and Tekla Show," inilahad ni Madam Inutz, o Daisy Cabantog sa tunay na buhay, ang hirap ng buhay nila noon.

Aniya, "typist" ang trabaho noon ng kaniyang ama at nag-uuwi lang ng kita na P150 sa isang araw.

"Na-a-advance na kasi yung suweldo niya. Siyempre sa laki ng pamilya niya (12 kaming magkakapatid), yung sasahurin niya, ina-advance na niya para pambayad ng kuryente, pambayad ng upa," kuwento ni Madam Inutz.

Para makatulong sa kaniyang ama, sinabi ni Madam Inutz na nagtinda naman ng mga kakanin ang kaniyang ina.

"So doon ka natuto sa mama mo [sa pagtitinda online]," tanong ni Boobay.

"Oo, naging idolo ko talaga si nanay," sabi ni Madam Inutz.

Dahil sikat na at nakakaluwag-luwag na sa buhay, sinabi ng isa umanong nagkomento na marami nang lalaki ang nahuhumaling sa kaniya.

"Eh siyempre iba 'yung ganda ko!" confident na pabirong sagot ni Madam Inutz.

"Totoo, totoo. Kasi kahit hindi pa nagba-viral si Madam Inutz, siguro nakikita nila ang laki na ng kita ko," dagdag ni Madam Inutz, na unang nakilala sa online dahil sa kaniyang mga live selling.

"Hindi sa pagmamayabang, sa live selling kasi, hindi pa ako nagba-viral, everyday na nagla-live selling ako pinakamababa ko [kita] P40,000 to P50,000 a day."

Magsisimula daw si Madam Inutz sa kaniyang live selling ng 12:30 p.m. hanggang 7 p.m. at nagsusuot ng mahigit 300 piraso ng mga damit.

Magmula nang mag-viral, muli raw nagpaparamdam sa kaniya ang mga kalalakihan.

"Sobra! Kahit 'yung dating mga crush ko nagpaparamdam na. At saka ito pa, 'yung mga ex boyfriend ko na foreigner nagpaparamdam na," anang live seller.

"Lagi ko naman sinasabi, si Madam Inutz kasi never nagtanim ng sama ng loob sa mga ex ko, kaya ang sinasabi ko sa kanila, 'Look at me now!!!' Charot, hindi," biro pa niya.

Inilahad ni Madam Inutz na nananatili silang magkaibigan ng tatay ng kaniyang anak.

"Friends kami, especially 'yung tatay ng daughter ko, friends kami," sabi niya.-- FRJ, GMA Integrated News