Inihayag ni Paolo Contis ang pinakakinatatakutan niyang mangyari na dumating ang panahon na tuluyan na siyang kamuhian ng kaniyang mga anak.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, isang emosyonal na Paolo ang humarap kay Tito Boy at inamin na matagal na panahon na niyang hindi nakakasama ang tatlong anak.

"Ngayon wala. The last time I saw my Xonia and Xalene, mga six or seven years ago when we went to Cebu. And then naputol na naman. Kay Summer, magtu-two years ko na siyang hindi nakakausap," anang aktor.

Sina Xonia at Xalene ay mga anak niya kay Lian Paz. Anak naman ni Paolo si Summer kay LJ Reyes.

Sinubukan daw ni Paolo na kausapin sina Summer at LJ.

"I reached out though, I tried to reach out. But as I always say, forgiveness takes time, healing takes time, and I'm giving that to LJ," sabi ni Paolo.

"Hindi ka natatakot na isang araw magagalit ang iyong mga anak?" diretsahang tanong ni Tito Boy.

Takot na takot," tapatang sagot ni Paolo Contis.

"Mahal mo sila?" pahabol na tanong ng King of Talk. "Sobra," tugon ni Paolo.

Inilahad ni Paolo na gusto niyang bumawi kina Xonia at Xalene, samantalang naging biglaan naman ang pagputol ng kaniyang relasyon kay Summer.

"'Yung sa dalawa ko gusto kong bumawi. 'Yung kay Summer biglaan kasi," ani Paolo. "Lahat silang tatlo mahal ko siyempre."

Pag-amin ni Paolo, "Pero 'yung sa dalawa,  malalim-lalim na 'yung pagkukulang ko. So hindi ko sila masisisi."

Kinuha ni Paolo ang pagkakataon na magpasalamat kay Lian, (dating EB Babe member), at sa fiance nitong basketbolista na si John Cabahug.

"I would like to take this opportunity to tell Lian and John (Cabahug). Thank you for doing a great job sa mga bata," naiiyak na sabi ni Paolo. "Doon suwerte ako, kasi mabait 'yung John eh."

Binalikan ni Paolo ang naging hiwalayan nila noon ni LJ, kung saan lumipad si LJ pa-New York kasama si Summer.

"Kay Summer, namimiss ko siya, sobra. Kasi noong pandemic, 'yung ugali kasi ni Summer parang ako eh, loko loko eh. Lagi kong kasama 'yun sa taping, tapos biglang naputol. Pag-uwi ko galing Sorsogon, paalis na sila eh."

"Hindi ba dapat mas mangibabaw, you should have a bigger love than fear as a father?" tanong ni Tito Boy.

Inihayag ni Paolo na magiging masaya na siya kung magiging kaibigan ang kaniyang mga anak, ngunit ikinatatakot niyang kamuhian siya ng mga ito.

"Kung pag-uusapan ang love, sobrang love ko sila. Pero you know, feeling ko reality lang. Hindi naman na sa akin lumaki, especially si Xonia and Xalene. So para ma-hate nila ako, 'yun ang pinaka-fear ko. To be honest. Nasa stage ako na maging magkaibigan lang tayo eventually. Civil lang. Huwag lang galit," patuloy niya.

"Hopefully it will come, maybe, I have no idea. Pero, that's my biggest fear, is for them to actually hate me," sabi pa ni Paolo. --FRJ, GMA Integrated News