Inihayag ni Paolo Contis ang kaniyang saloobin tungkol sa tila nabubuong reputasyon niya  base sa impresiyon ng ibang tao na pumapasok siya sa relasyon, magmamahal, magkakaanak, at kinalaunan ay mang-iiwan.

Sa panayam ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, tinanong ang aktor tungkol sa mga kinahahantungan ng pakikipag-relasyon niya na nauuwi sa hiwalayan kahit nagkaroon na siya ng anak sa babae.

"'Pag pumapasok ka naman sa relasyon hindi 'yon ang plano mo. Everytime nasa relationship ako, I really love the person, and I think saksi naman ang mga tao na sobrang bigay-todo naman talaga ako magmahal," pahayag niya.

"Kaya lang may ilang bagay na hindi alam ng publiko na mga nangyayari privately na doon napupunta, humahantong. Basically lahat ng puwedeng gawin para ma-save ang relasyon ginagawa ko 'yon. Kaya lang ang alam lang ng tao is kapag natapos na," paliwanag pa ni Paolo.

Ngunit para kay Paolo, itinuturing pa rin niyang mabuti siyang tao kahit nakakagawa ng siya pagkakamali kung minsan.

"I would like to think that I'm a good person na minsan gumagawa ng mali. Fact is, lahat ng mali ko alam ko. Kaya nga ako laging nagso-sorry. I posted an apology because I know I was wrong. Nagrason ba ako? Wala namang rason ako doon sa sinabi ko. I knew I was wrong, I said I was sorry. I don't wanna justify my mistakes because ang mistake ay mistake," paliwanag niya.

Pero tanong sa kaniya ni Tito Boy, "But kung paulit ulit? what are your learning?"

"I'm learning to own up to my mistakes, I've been apologizing to everyone concerned. I've been telling the truth, not to the public though. I've been telling them, kung sino man ang concerned, the truth about everything. That's me owning up to all my mistakes. But I think 'yung healing and forgiveness I think it takes time," sabi ni Paolo.

Napagtanto na rin umano ni Paolo nitong nakaraang taon ang kaniyang pagiging "immature" at gumagawa na siya ng paraan upang mabago ito.

"Maturity, I believe isa rin 'yon sa medyo wala ako noong mga panahon dati. Feeling ko kasi bata pa ako. Actually mga late last year lang. Naisip ko, mag-39 na ako, parang ang tanda ko na para magkamali ng ganito," emosyonal na pahayag ni Paolo.

"I'm fixing it," pagpapatuloy niya.

Mayroong dalawang anak si Paolo kay Lian Paz, at isa naman kay LJ Reyes. --FRJ, GMA Integrated News