Aminado ang Superstar na si Nora Aunor na marami siyang pagkukulang sa kaniyang mga anak at nagkakaroon sila ng hindi pagkakaunawaan. Pero ang mahalaga, bukas ang kanilang komunikasyon para ayusin ang problema. Gaya nang nangyari sa kanila ng anak na si Mater de Leon dahil sa negosyong tuyo.

Sa panayam ng "Fast Talk With Boy Abunda," sinabi ni Nora na hindi niya inakala na sasama pala ang loob ni Matet nang magtayo rin siya ng tuyo business gaya ng sa kaniyang anak.

"Siguro may pinagdadaanan din 'yung anak ko at hindi ko rin naman alam na may pinagdadaanan siya," ani Ate Guy.

"Ang sa 'kin, nagkaroon ako ng ano na, 'O halika gawa tayo ng tuyo,' ganyan-ganyan, na hindi ko alam, ikakasama ng loob niya," dagdag niya.

Sa kabila ng nangyari, maayos na raw muli sila ni Matet, at dinadalaw din siya ng iba pa niyang anak.

"Marami akong pagkukulang sa mga anak ko, pero pagka nagkikita kami nasasabi ko 'yung mga sama ng loob ko sa kanila, pinag-uusapan namin, ano 'yung dapat gawin, nakikinig naman sila," pagbahagi ng Superstar.

"Ang importante dun nagkakausap kami," patuloy niya.

Sa naturang panayam, ibinahagi rin ni Nora ang tungkol sa kaniyang pagmamahal sa dating ka-love team noon na si Tirso Cruz III. Gayundin ang naging health scare na naranasan noong Disyembre.

Muling mapapanood sa pelikula si Nora katambal si Alfred Vargas. —FRJ, GMA Integrated News