Napalitan ng tawanan ang kilabot na naramdaman ng ilang residente sa Thailand nang malaman nila na tent lang pala ang hindi nila mawaring bagay na ilang minutong nakalutang sa ere kaya inakala nilang UFO o unidentified flying object.

Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, sinabing nabulabog ang ilang residente sa Kamphaeng Phet province, Thailand nang makita nila ang hindi nila mawaring bagay na ilang minuto nasa himpapawid.

Tinatayang umabot sa taas na hanggang 100 talampakan ang lipad ng naturang bagay bago ito unti-unting bumababa at bumagsak sa isang bakuran.

At nang bumagsak na, dito na nila natuklasan na ang inakalang isang UFO, tent lang pala na tinangay ng hangin.

"It was one funny UFO. We were having a barbecue when it was swept away by strong winds," sabi ng residenteng si Yawittha Sumangkaset.

"I wonder what else we can find flying around during this hot and windy wether," patuloy niya.

Hindi raw nila alam kung saan nanggaling ang tent na magaang daw at posibleng hindi nalagyan ng pabigat kaya tinangay ng hangin.

Itinabi ng pamilya ang tent pero wala pa raw umaangkin na sa kanila ito.-- FRJ, GMA Integrated News