Inamin ni Rabiya Mateo na nag-propose noon sa kaniya ang dating nobyong si Neil Salvacion. Pero tinanggihan niya ito hanggang sa humantong sa kanilang paghihiwalay.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, inalala ni Rabiya ang sinabi umano noon ni Neil sa kaniyang audition video para sa pagsali sa isang reality TV show na “mas mahirap iwan para sa korona.”

“We talked about it, and he said sorry naman right after noong video,” pagbabahagi ng Miss Universe Philippines 2020.

“Iniwanan mo ba siya dahil sa korona?” paglilinaw na tanong ni Tito Boy.

Dito, umamin si Rabiya na nag-propose na noon sa kaniya si Neil.

“Hindi Tito Boy,” sagot ni Rabiya. “I think this is the first time na sasabihin ko sa TV, but he proposed to me, and I was so young that time, I wasn’t ready.”

“I have a lot of dreams for my family and during that time he was ready to settle na and feeling niya okay na siya sa buhay. Pero ako I want to aspire to be more. Doon kami nagkaroon ng conflict,” pagpapatuloy ni Rabiya.

“Hindi siya makapaghintay? Hindi niya maintindihan na hindi ka pa handa?,” tanong ni Tito Boy.

“Hindi naman sa gano’n, pero feeling ko rin hindi ko na rin maibigay ‘yung 100% ko sa relationship kasi maraming nangyayari and ‘yung engagement na ‘yun, for me it was a big step,” sagot ni Rabiya.

Paglilinaw pa ni Rabiya, “Actually hindi naman agad kami naghiwalay.”

Inilahad ni Rabiya ang mga pangarap niya noon na gusto pa niyang tuparin para sa kaniyang pamilya.

“During that time, kasi galing din ako sa walang-wala. Tapos nakita ko when I won Miss Universe Philippines, ito na ang time ko para makapag-ipon, para mabilhan ko ang nanay ko ng bahay, para mapagpatuloy ko man kung gusto pa ng kapatid ko na mag-aral. Ako pa ang breadwinner,” saad niya.

“And dahil wala akong dad, parang nasa akin lahat ng responsibilidad na ‘yon. Hindi ko pa maiwan ‘yon para mag-asawa,” paliwanag ni Rabiya.

Kinumpirma ni Neil noong 2021 na hiwalay na sila ni Rabiya.--FRJ, GMA Integrated News