Isang mananaya mula sa Meycauyan, Bulacan ang ika-limang tumama ng jackpot sa lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sa loob ng isang linggo mula Marso 6 hanggang Marso 12, 2023. Mula Marso 1, pito na ang tumama ng mahigit P1 milyon ang jackpot prize.

Sa Facebook page ng PCSO, nakasaad na P49.500,000.00 ang nasolo ng mananaya mula sa Bulacan na bumili ng tiket para sa Ultra Lotto 6/58 na binola nitong Linggo ng gabi, Marso 12, 2023.

Ang mga lumabas na numero ay 13-30-10-22-02-15.

Mula Marso 1, pito na ang tumama ng higit P1 milyong papremyo sa lotto, kabilang ang isang tumama ng mahigit P4 milyon sa 6Digit Lotto noong Marso 4.

Noong Marso 7, nasolo ng isang masuwerteng mananaya ang mahigit P100 milyon jackpot prize sa Ultra Lotto 6/58.

Nitong nakaraang Sabado, March 11, isang mananaya din ang naka-jackpot ng mahigit P29 milyon sa Lotto 6/55.

Sa Lotto 6/42 draw noong March 9, isa rin ang nanalo ng jackpot prize na P16,319,245.20, habang P12,171,239.80 naman ang napanalunan ng isa pang mananaya sa Megalotto 6/45 noong March 6.

May tumama rin ng jackpot sa Superlotto 6/49 draw noong March 2 na mahigit P18 milyon ang premyo.--FRJ, GMA Integrated News