Nalutas na ang misteryo ng mga residente sa isang lugar sa Thailand kung bakit biglang nawawala ang kanilang mga underwear na nadiskubre kinalaunan na nakasabit sa puno ng kawayan.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing aksidenteng nakadiskubre ni Rangsang Jaisaen ang puno ng kawayan na puno ng underwear sa likod ng isang ospital sa Kamphaeng Phet.

Paliwanag ni Jaisaen, naisipan niyang umiba ng daan at mag-shortcut sa kaniyang ruta sa likod ng ospital at nagulat siya nang makita ang mga underwear na nakasabit sa puno.

"There were many expensive brands of underwear. It was so unusual. I reported it to the police," ayon kay Jaisaen.

Pero bago madiskubre ang puno ng kawayan, palaisipan daw sa mga residente kung bakit nawawala ang kanilang mga underwear sa sampayan.

Hindi lang umano ang mga babae ang nawawalan ng panloob kundi maging ang mga lalaki--bata man o matanda.

Nang mag-imbestiga ang pulisya, lumitaw na isang 27-anyos na lalaki ang nagnanakaw ng mga underwaer.

Umamin umano ang suspek tungkol sa kakaiba nitong gawain matapos siyang matunton ng mga pulis

Paliwanag umano ng suspek, hindi niya mapigilan ang sarili manguha ng underwear lalo na kapag lasing siya.

"The suspect would sniff the private garments and would discard them one the odor of the owner had fated. He would hang them on the bamboo clump behind the hospital," ayon kay Colonel Somchai Mongkonwong, Khong Klung Police Station.

Umabot sa 67 piraso ng underwear ang nakuha ng mga pulis sa puno. May mga underwear din na nakita sa bahay ng suspek.

Gagamiting ebidensiya ang mga underwear sa kasong isasampa laban sa suspek, na ang parusa ay aabot sa limang taon na pagkakakulong.

Nagsampa na umano ng pormal na reklamo laban sa suspek ang ilan sa mga nawalan ng panloob. --FRJ, GMA Integrated News