Inihayag ni Eric Fructuoso na tatlong taon niyang naging karelasyon noon ang TV host-actress na si Toni Gonzaga. Pero nauna raw niyang naging nobya si Claudine Barretto.

Sa show na "Sarap, 'Di Ba?," inihayag din ni Eric na una niyang naging nobya si Claudine  Barretto at tumagal sila ng dalawang taon.

Sa larong "Kuwento o Kahon," pinili ni Eric ang "Kuwento," kaya agad siyang tinanong ng host na si Carmina Villaroel kung totoong nakarelasyon niya si Toni.

Nagulat si Eric sa tanong, at kinumpirma muna niya kung iisang Toni Gonzaga lamang ang kanilang pinag-uusapan.

Matapos nito, kinumpirma ito ng dating miyembro ng grupong "Gwapings."

"Oo, meron, yes," tugon niya.

Inusisa pa si Eric kung kailan sila naging magkarelasyon ni Toni.

"Nauna si Claudine, and then si Toni," pag-amin ni Eric.

Sa kaniyang "rough estimate," sinabi ni Eric na tumagal ang relasyon nila ni Toni "lahat-lahat, kasama na 'yung 'wala lang' and 'yung may commitment, three years."

Naging guest din sa programa ang kapwa Gwapings members ni Eric na sina Mark Anthony Fernandez and Jao Mapa.

Miyembro rin ng grupo si Jomari Yllana.

Itinanggi ni Eric na siya ang "chic boy" ng sikat na '90s boy group nila.

Nang tanungin ni Carmina si Eric na, "Bakit kayo naghihiwalay?"

Natatawang tugon ng aktor, "Nagigising sila sa katotohanan."

Makalipas ang 30 taon, mayroon nang mga apo ngayon si Eric. Habang si Toni, kasal at may dalawang anak na kay  Paul Soriano. --FRJ, GMA Integrated News