Ibinahagi ni Eric Fructuoso na umabot ng 220 pounds ang kaniyang timbang noong 2025, at halos wala nang magkasya sa kaniya na pantalon at damit. Bukod doon, kailangan na raw niyang tumingin sa salamin para makita ang kaniyang "bird." Ano ang kaniyang ginawa upang mapababa sa 154 pounds ang kaniyang timbang? Alamin.
Sa kaniyang nakaraang guesting sa Kay Susan Tayo! Vlogs ni Susan Enriquez, ikinuwento ni Eric kung bakit siya umabot sa ganoong bigat ng timbang.
“Masarap kumain. Tapos, umiinom pa ako noon lagi. Tapos, walang exercise. So, ‘yun. Grabe 'yung taba ko noon. Wala naman magkasiya na mga damit. So, bumibili kami. Wala nang kasya sa aking pantalon,” sabi niya.
Pag-amin ni Eric, hindi niya mapigilang maiyak sa kaniyang sitwasyon noon.
“Doon, umiiyak ako sa fitting room. Parang, ano ba ‘tong nangyari sa akin? Sa kama, para akong pagong, hindi makatayo. Ganoon na. Tsaka 'yung kailangan mo nang tumingin sa salamin para makita mo na 'yung bird mo,” pabiro niyang pagbabahagi.
Ayon sa aktor, dumaan siya sa depresyon, at napagtantong kailangan niyang ayusin ang kaniyang buhay.
“Pero, that time, sabi ko, ito ata 'yung depression na dumarating na sa akin, nararamdaman ko. Till, uh, I made the decision na ayusin na lahat,” dagdag niya.
Sinimulan ni Eric ang kaniyang fitness journey nang matuklasan ang tungkol sa peptides.
“Kasi, I was so desperate to lose weight, na-injure na nga tuhod ko because pinilit ko mag-basketball. Until I was introduced to peptides. Pero ayaw ko kasi, ni-inject ‘yun, eh. Anything na-inject, parang, ang pangit tingnan, ‘di ba?,” kuwento pa niya.
Kalaunan, napag-aralan ni Eric ang tungkol dito at mas naging bukas siya.
“Hindi pala siya pampapayat. Magiging healthy ka pala. Tapos, tinry ko, nag-lose ako ng fats. Tapos, lahat ng matataas sa resulta ko, bumaba,” sabi pa niya.
At nang tuloy-tuloy na siyang nabawasan ng timbang, sinamantala na niya ang pagkakataon para mag-ehersisyo.
Dahil dito, umabot siya sa mababang timbang na 154. At mula sa pagsusuot ng mga 2XL hanggang 3XL na shirt, medium na ang mga sinusuot niyang size.
Nagba-bulk ngayon si Eric ng kaniyang katawan.
“Dati hindi ako kumakain masyado. Ngayon, pinipilit ako kumain kasi 'yung food ko is may fuel to do all the exercises,” paliwanag niya.
Takot tumanda
Ibinahagi pa ni Eric na mayroon siyang Gerascophobia, o takot na tumanda.
“I think it was because na, 'yung tatay ko, ‘pag umuwi lagi from office, laging siyang mainit ulo, laging stressed. Sabi ko, ‘Ayoko na tumanda.’ Sabi ko, never ako magtatrabaho ng normal na job. Kasi kung ganoon pala ako pag-uwi ko, huwag na lang,” dagdag niya.
Inilahad niya ang kuwento kung bakit siya nagkaroon nito.
“Kasi nakikita natin lahat, ‘di ba? 'Yung mga matatanda sa atin, laging stressed, laging pagod. Sabi ko, ‘Ayoko ng ganiyang buhay.’ Kaya siguro ‘yun 'yung naging trauma ko, ayoko tumanda,” paliwanag niya. – FRJ GMA News
