Karibal nga ba ng komedyanteng si Empoy Marquez kay Bubble Gang babe Analyn Barro ang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2023 Best Actor na si Cedrick Juan? Alamin.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, inamin ni Cedrick na sinubukan niyang ligawan ang aktres.

“Hindi ko po siya talaga niligawan. I think I just tried, pero hindi siya nag-work,” pagtatapat ng aktor.

Sinabi rin ng binata na hindi humantong sa exclusive dating ang pagiging magkaibigan nila ni Analyn. Gayunman, nananatili naman daw silang magkaibigan.

“Pero super friends lang kami. Yeah, friends pa rin kami. Pero hindi talaga ‘yun nagkaroon ng official na exclusively dating,” saad ng aktor.

Matatandaang na nabisto sa programa ni Tito Boy na may crush si Empoy kay Analyn.

 Pero ayon kay Cedrick, wala siyang laban kay Empoy.

“Grabe wala akong laban kay Empoy! ‘Yung humor. Iba, iba si Empoy,” sabi ng aktor.

 Si Cedrick ang itinanghal na breakout star ng "GomBurZa," isang historical film tungkol sa tatlong paring martir na sina Mariano Gómez, José Burgos, at Jacinto Zamora.

Gumanap si Cedrick bilang si Padre Burgos, at nagwaging best actor sa MMFF Gabi ng Parangal at nakatunggali sina Piolo Pascual, Dingdong Dantes, at Alden Richards.-- FRJ, GMA Integrated News