Isang fur mom ang pinalibutan ng mga alaga niyang pusa na tila nag-aalala habang natutulog siya. Ang isa sa mga pusa, ipinatong ang kamay sa kaniyang dibdib na parang pinakiramdaman ang tibok ng kaniyang puso.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang ginawang pagtabi kay Romina Tomaino ng mga alaga niyang pusa na nakuhanan niya ng video.

Ang isang pusa, tila nag-check sa heartbeat ng kaniyang amo. Ang isa naman, mistulang nag-perform ng CPR sa kaniya.

Wala raw natulog sa mga pusa sa buong magdamag at binantayan ang pagtulog ni Tomaino.

Sa kabutihang palad, maayos naman na nagising si Tomaino.

Ayon kay Tomaino, noong gabing nakuhanan ang video, ilang araw na siyang walang tulog dahil sa iniindang insomnia.

Kaya nang makatulog na siya, naging malalim ang kaniyang pagkakahimbing at posibleng naging mababaw ang kaniyang paghinga.

“I go days without sleeping and then crash into really deep sleep which is what happened here,” sabi ni Tomaino.

“It’s so bad that if I wake up and do things then go back to sleep I won’t remember doing it,” dagdag niya.

Nagulat si Tomaino nang magising at makita na nakapalibot na sa kaniya ang kaniyang mga alaga na sina Milo, Bella, Prince, Baby Tiger at Chloe.

Nang mapanood niya ang video, nalaman niya ang pangyayari at kung bakit tinabihan siya ng kaniyang mga alaga.

“It’s very rare to find them all there when I wake up so I got up, fed them and watched the video with breakfast,” sabi ni Tomaino.

“I thought they had heard a noise but when I realized what it was, I cried happy tears,” sabi niya. -- FRJ, GMA Integrated News