Naghilom na ang sakit na naramdaman ni Tom Rodriguez makalipas ang dalawang taon mula nang maghiwalay sila ng dati niyang asawa na si Carla Abellana.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, tinanong ng King of Talk si Tom kung ano ang ipinagdadasal niya para sa aktres.

"I really wish her well. Everyone of us deserves happiness and I really wish that for her," sabi ng aktor na nagbalik na sa bansa makaraang manatili ng dalawang taon sa Amerika.

Nagpakasal sina Tom at Carla noong 2021, matapos ang pitong taon bilang magkarelasyon. Pero ilang buwan lang matapos ikasal, naghiwalay ang dalawa at nagdiborsiyo.

Inamin ni Tom na handa na rin siyang magmahal muli, at may babaeng nagbibigay sa kaniya ngayon ng inspirasyon pero pinili niyang manatili muna itong pribado.

Naniniwala rin si Tom sa true at unconditional love.

"When I went through that healing process, that wasn't even in my mind. But I do believe that love does find you when you're ready for it. And when it found me I thought my doors would be closed forever," sabi ni Tom.

"Hindi pala because I'm experiencing it again now. And it's something that I will treasure and cherish and really do my best to really protect," dagdag pa niya.

Kasama sa natutunan ni Tom ang maglagay ng healthy boundaries pagdating sa pagbahagi sa publiko ng kaniyang buhay pag-ibig.

"This time around I'm gonna keep it for myself and those people that are very important to me," saad niya. "OK na kami, kaya sorry na nagdadamot ako Tito Boy. I really wanna keep it close to the heart this time around."—FRJ, GMA Integrated News