Ngayong bahagi na rin ng Kapuso network ang "It's Showtime" kung saan isa sa mga host si Kim Chiu, open kaya siyang makatrabaho ang ex-boyfriend na Kapuso ngayon na si Xian Lim.

Tulad ng ibang host ng noontime show na "It's Showtime," masaya at excited din si Kim sa kanilang bagong tahanan sa GMA matapos ang contract signing nitong Miyerkules.

Simula sa April 6, bukod sa GTV, mapapanood na rin tuwing tanghalian sa GMA 7  ang "It's Showtime" na malapit nang magdiwang ng kanilang ika-15 taong anibersaryo.

Sa ulat ni Cata Tibayan sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, tinanong si Kim kung bukas ba siyang makatrabaho muli si Xian.

"Ok lang naman. Mag-guest siya sa It's Showtime or mag- prod siya," sagot ni Kim. "Hindi naman kami magkaaway."

Disyembre nitong nakaraang taon nang kumpirmahin ng dalawa ang kanilang paghihiwalay matapos ang halos 12 taon na relasyon.

Ayon pa Kim, panahon ngayon para subukan niya at maranasan ang mga bago.

Nang tanungin naman kung sino ang mga Kapuso star na nais niyang maka-collab sa proyekto, tinukoy niya sina Marian Rivera, Barbie Forteza, Jennylyn Mercado, Dennis Trillo, at si "Black Rider" leading man Ruru Madrid.

Samantala, ang isa pa sa mga co-host ng "It's Showtime," looking forward din na makilala ang mga bagong gaganap na Sanggre sa bagong yugto ng Encantadia series.

Si Karylle ang original na Sanggre Alena sa Encantadia 2005, at kasabay niya noon sina Sunshine Dizon, Iza Calzado, at Diana Zubiri.

 "It will be really good to have a bonding day with them," ani Karylle, na nagsabing maaari nilang ibahagi sa mga bagong cast ng Encantadia kung papaano naging parte ng buhay ng mga tao ang serye na kanilang nakalakihan.

"I'm sure naman si Direk Mark will set up something [with the new batch]," sabi ng TV host actress.

Noong 2016, naging bagong Sanggre sina Gabbi Garcia, Glaiza De Castro, Kylie Padilla, at Sanya Lopez.

Sa bagong kabanata ng Encantadia, pagbibidahan naman ito nina Bianca Umali, Faith Da Silva, Kelvin Miranda, at Angel Guardian.-- FRJ, GMA Integrated News