May mga tao nga kayang sadyang itinadhana na maging mag-asawa? Gaya nina Noel at Angie Gonzales na 30 taon nang nagsasama, pero hindi agad nalaman ng lalaki na ang kaniyang kabiyak pala ang babae sa litrato na kaniyang napulot at hinangad niyang pakasal.

Sa programang "Share Ko Lang," ikinuwento ni Angie na paborito niyang larawan ang napulot ni Noel.

"Nag-umpisa 'yung aming kuwento of soulmates noong mapulot niya 'yung aking litrato, two years before kami magkakilala," sabi ni Angie.

Kuha daw ang larawan noong first year high school siya at paborito niya ito sa lahat ng litrato niya.

"Gandang-ganda ako du'n sa output. Nakaipit siya sa libro ko, pagkatapos, since gandang-ganda ako du'n. Siguro after a month na-realize ko, tiningnan ko 'yung libro ko, aba wala 'yung favorite picture ko, 'yun na, wala na," sabi ni Angie.

 

 

Ang nawalang litrato ni Angie, napulot naman ni Noel sa isang simbahan.

"Maganda eh, sabi ko, ''Pag nakita ko itong babaeng ito, pakakasalan ko ito.' Tapos, itinago ko na siya. Nawala na sa isip ko 'yun. Nakalimutan ko na," sabi ni Noel, na aminadong nabighani siya sa babaeng nasa larawan.

"Siyempre kahit naman sinong lalaki pagka nakakita ng maganda. 'Uy! Taga-saan kaya ito?' Something like that. Lalo na ngayon sa mga social media, makikita mo maganda," pagpapatuloy niya.

"Pero itong picture na walang daya kasi, walang filtering before. So, kung ano 'yung picture na output nu'ng sa camera, siya 'yun. Kaya intense agad. 'Pag nakakita ko itong babaeng ito pakakasalan ko talaga 'to. Tapos, that was it," sabi pa ni Noel

Dalawang taon makaraang mapulot niya ang litrato, nawala na ito sa isipan niya, maging ang magandang babae.
 
Hanggang sa makilala niya si Angie sa simbahan nang pareho silang maging mga "server" dito. Pero walang kamalay-malay si Noel na si Angie ang babae na nasa larawan na napulot niya.

"Siguro, nag-iba nang kaunti, humaba ang buhok or whatever. Kumbaga nawala na sa alaala ko, but the picture's still with me," ani Noel.

Mula sa pagiging magkaibigan, mas lumalim pa ito hanggang sa magustuhan nila ang isa't isa at magkaroon sila ng relasyon.

Nagkatuluyan sina Angie at Noel sa huli at naging mag-asawa.

Mahigit 10 taon na silang mag-asawa nang madiskubre ni Angie ang nawala niyang paboritong litrato na nakatago sa bahay ni Noel.

"Sa cabinet, habang kami ay naglilipat ng bahay, sabi ko, 'Bakit nasa iyo 'yan? Saan mo nakuha?' Napahinto pa ako nang matagal. 'Oh my God, ito 'yung picture na nawawala ko, na gustong gusto ko! Paano ito napunta sa iyo?'" natutuwang kuwento ni Angie.

"Siya rin hindi niya alam, sabi niya, 'Nako, napulot ko 'yan, ikaw yan!'. So, nagkagulatan kami, 'yung picture na 'yun na napulot niya ay ako pala," pagpapatuloy ni Angie.

Para sa mag-asawa, tila nagsilbi ring matchmaker nila ang simbahan.

"Maybe we were meant to be. Siguro 'yun 'yung patikim na, sila-sila magkakatuluyan. Something like that. So, lalo na sa church kami nagkakilala. Sa church din 'yan nawala eh, doon niya rin napulot," ani Angie.

"Maybe we're meant to be, we're soulmates, ganiyan. So, now we're turning 31 years na kaming married," saad pa ni Angie.-- FRJ, GMA Integrated News