Sakit ng katawan ang inabot ng isang lalaki sa Thammarat, Thailand matapos siyang lumusot at mahulog mula sa bubungan at bumagsak sa garahe. Ang lalaki, nagmamadali kasing tumakas matapos mabisto ng isang babae ang ginagawa nitong pamboboso umano.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video footage ang paglagapak ng lalaki sa garahe matapos lumusot at malaglag mula sa bubungan.

Lumitaw na nakarating sa second floor ang lalaki kung saan niya ginagawa ang pamboboso sa babaeng nakatira. Nang mabisto, nagmamadali siyang tumakas at dumaan sa bubungan kung saan siya lumusot.

Nagawa naman ng lalaki na makabangon mula sa pagkakabagsak at tumakbo. Nakasunod naman sa kaniya at humabol ang isang babae na may hawak na pamalo.

Subalit tuluyang nakatakas ang lalaki sakay sa motorsiklo.

Matapos ang insidente, sinabi ng may-ari ng bahay na si Siriluk, na sinilip nila ang kanilang CCTV camera. Dito rin nila natuklasan na nagpupunta rin pala sa sampayan nila sa hatinggabi ang lalaki para magnakaw ng underwear ng babae.

Nagawa ng lalaki na makasampa sa bubong at nakarating sa second floor ng bahay sa pamamagitan ng pag-akyat sa isang puno.

Ini-report ni Siriluk sa mga pulis ang insidente at naaresto ang lalaki. Kaya lang, nakalaya rin ito matapos na magpiyansa kaya hindi niya maiwasan na mangamba pa rin.

Minabuti raw ni Siriluk na isapubliko ang CCTV footage para mabigyan ng babala ang kaniyang mga kababayan.

Bukod sa naglagay na sila ng bakod sa kanilang paligid, pinutol na rin nila ang puno na inaakyatan ng lalaki.

Umaasa pa rin si Siriluk na tuluyang makukulong ang lalaki para sa kapanatagan nila ng loob. -- FRJ, GMA Integrated News