Pumanaw na sa edad na 48 ang Taiwanese actress na si Barbie Hsu, na tumatak sa mga Pinoy bilang si Shan Cai sa TV series na "Meteor Garden."

Sa ulat ng South China Morning Post, kinumpirma ng pamilya ng aktres ang malungkot na balita.

Pumanaw umano si Barbie dahil sa pneumonia.

"The actress was traveling in Japan when she caught the flu, which triggered pneumonia," saad sa report.

Ibinahagi naman ng Focus Taiwan ang ginawang pagkumpirma ni Dee Hsu, kaugnay sa pagpanaw ng kapatid niyang aktres sa pamamagitan ng kaniyang agent.

Inihayag nito na, "Our whole family came to Japan for a trip, and my dearest and most kindhearted sister Barbie Hsu died of influenza-induced pneumonia and unfortunately left us."

Naulila ni Barbie ang kaniyang mister na South Korean musician na si DJ Koo, dalawang anak na edad 10 at walo, mula sa dati niyang asawa na si Wang Xiao Fei.

Taong 2021 nang maghiwalay ang mag-asawa matapos ang 10 taon na pagsasama.

Sa Instagram post, nagbigay ng tribute para kay Barbie ang co-star niya sa "Meteor Garden" na si Ken Chu.

Sa Instagram Stories, nag-post ang Taiwanese singer-actor ng solid black photo, at nag-repost ng throwback photo nila sa "Meteor Garden," kasama siya, si Barbie, at sina Vic Chou, Jerry Yan, at Vanness Wu.

 

Courtesy: Ken Chu/Instagram

Taong 2001 nang lumabas ang "Meteor Garden," na kuwento ng mahirap na babae na si Shan Cai (Barbie), at ang pagkakakilala niya sa paaralan sa apat na mayamang lalaki na sina Dao Ming Si (Jerry), Xi Men (Ken), Mei Zuo (Vanness), Hua Ze Lei (Vic). -- FRJ, GMA Integrated News