Dahil isa sa mga pinakaguwapong aktor sa bansa si Piolo Pascual, tinanong sa programang "Lutong Bahay" si Moi Bien, kung nagkagusto rin ba siya sa kaniyang amo. At sino kaya sa mga ex-girlfriend ni Papa P. ang pinakagusto niya? Alamin.

"Hindi eh," mabilis na sagot ni Moi sa tanong ng host na si Mikee Quintos kung na-in love din ba siya kay Piolo.

Biro ni Moi, tinanong niya ang kaniyang sarili at sinabing, "Hindi ka maganda, girl. Huwag kang ano ano diyan."

Sabi pa niya, isang kapatid talaga ang turing niya kay Piolo.

"'Yung love ko parang kapatid. Hindi nga boss e kasi minsan nakakapagsalita ako," kuwento niya tungkol sa relasyon nila ni Piolo.

"Kasi siyempre nag-aaway kami. Text lang. Hindi kami nagkikibuan. Parang mag-jowa 'di ba?" natatawa niyang sabi.

Ngunit si Moi rin daw ang sumusuyo kay Piolo kapag nagkakakatampuhan sila ng kaniyang amo.

"Pinapicture-an ko 'yung sarili ko umiiyak ako, vini-video ko. Sabi ko, Pinagsasabihan mo ako. Nasaktan ako.' Ganoon as in. Tapos natatawa siya. Okay na kami," saad ni Moi na matagal na panahon nang naging personal assistant ni Piolo.

Sa mga naging ex ng aktor na si KC Concepcion, Pops Fernandez, Rica Paralejo, at Shaina Magdayao, sino kaya ang pinakagusto ni Moi? Alamin ang sagot niya sa video. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News