Sa loob ng 16 taon, nagsilbing personal assistant ni Piolo Pascual ang komedyanteng si Moi Bien. Bakit nga ba siya umalis noon sa aktor at nagpunta sa Amerika?

Sa cooking talkshow na "Lutong Bahay," ikinuwento ni Moi, na galing siya sa mahirap na buhay sa Zamboanga na masasabing "isang kahig-isang tuka."

Housewife umano ang kaniyang ina, at pa-extra-extra naman sa trabaho ang kaniyang ama.

Bente-anyos na si Moi nang lumuwas siya sa Maynila hanggang sa nakapagtrabaho kay Piolo.

Sa ulat ng PEP.ph, sinabing unang nagtrabaho si Moi bilang yaya sa anak ng kapatid ng aktor.

Kinalaunan, naging kasambahay na ni Piolo si Moi, hanggang sa naging PA nang umalis ang dating may hawak ng naturang trabaho.

 Sa "Lutong Bahay," sinabi ni Moi na siya rin ang nagluluto para kay Piolo. Ibinahagi rin niya na tinuruan siya ng aktor na mag-Ingles, at nais din umano ng aktor na humaharap siya kapag mayroon itong bisita.

Sa kabila ng matagal na pagtatrabaho kay Piolo, sinabi ni umalis siya sa aktor noong 2016 at nagpunta sa Amerika.

"Sabi ko mag-ano muna ako, hanapin ang sarili sa Amerika. May nag-sponsor ng tirahan. Nag-stay ako doon ng three months," kuwento ni Moi.

Nang tanungin kung nahanap ba niya ang kaniyang sarili sa Amerika, natatawang sagot ni Moi,  "Hindi."

"Hindi pala ako sanay sa buhay doon. Kasi wala kang kausap, walang tao," sabi ni Moi na nagtrabaho sa US bilang caregiver sa panahon ng pananatili niya roon.

Ngunit pag-amin niya, ang pagseselos niya ay Piolo ang dahilan ng kaniyang pag-abroad.

Inamin din ni Moi na nagselos siya noong pinalitan na siya ni Piolo.

"Parang.... Kasi ang tagal namin, 16 years kaming  magkasama. Tapos sabi ko, 'Sige, dito muna ako sa Amerika para hindi kita nakikitang nagti-taping, tapos...' 'Di ba, 'yung ganu'n," pagbahagi ni Moi, na tinulungan din ni Piolo sa kaniyang showbiz career. --FRJ, GMA Integrated News