Kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis nitong Lunes, lumabas din ang mga usap-usapan sa kung sino ang posibleng pumalit sa kaniya. Sa ulat ng Reuters, ilang pangalan ng kardinal ang binanggit kasama ang Pinoy na si Cardinal Luis Antonio Gokim Tagle.

Ang pagpili ng bagong Santo Papa ay isinasagawa sa paraan ng pagboto ng mga kardinal sa isang closed-door na pagtitipon o conclave.

Sa ulat ng Reuters, inilabas nito ang ilang pangalan ng kandinal "in alphabetical order," na itinuturing umanong "papabili" na posibleng pagpilian na papalit kay Pope Francis, na pumanaw sa edad na 88 nitong Lunes.

- Jean-Marc Aveline, 66-anyos, archbishop ng Marseille, French. Ayon sa French press, kilala siya sa ilang mga lokal na Katolikong lupon bilang "John XXIV," bilang pagtukoy sa pagkakahawig niya kay Papa Juan XXIII, may bilugan na mukha na repormistang papa noong unang bahagi ng dekada 60's.

Minsang nagbiro si Pope Francis na maaaring piliin ng kaniyang kahalili ang pangalang "John XXIV."

-- Cardinal Peter Erdo, 72, Hungarian. Kung siya ang mapipili, tiyak na makikita siya bilang isang compromise candidate — na mula sa konserbatibong kampo ngunit nakapagtayo ng ugnayan sa progresibong mundo ni Francis.

Itinuturing na rin si Erdo bilang isang papal contender sa huling conclave noong 2013, dahil sa kaniyang malawak na koneksyon sa Simbahan sa Europa at Africa, pati na rin sa kanyang papel bilang isa sa mga tagapanguna ng New Evangelisation — isang kampanya upang muling pag-alabin ang pananampalatayang Katoliko sa mga sekularisadong mauunlad na bansa -- na isa sa mga pangunahing prayoridad ng maraming kardinal.

-- Cardinal Mario Grech, 68, secretary general ng Synod of Bishops, Maltese. Nagmula siya sa Gozo, na isang maliit na isla na bahagi ng Malta, na pinakamaliit na bansa sa European Union.

Ngunit mula sa maliit na pinanggalingan, umangat siya sa matataas na posisyon, matapos italaga ni Pope Francis bilang secretary general ng Synod of Bishops — isang makapangyarihang posisyon sa loob ng Vatican.

Sa simula, tiningnan si Grech bilang isang konserbatibo. Ngunit sa paglipas ng mga taon ay naging isa siyang tagapagdala ng sulo ng mga reporma ni Pope Francis sa loob ng Simbahan, na mabilis na makasunod sa pagbabago ng panahon.

- Cardinal Juan Jose Omella, 79, Archbishop ng Barcelona, Spanish. Itinuturing siyang malapit sa puso ni Pope Francis.

Payak at may magandang kalooban, namumuhay siya nang mapagpakumbaba sa kabila ng mataas niyang posisyon. Iniaalay ang kaniyang buhay sa Simbahan sa pastoral na paglilingkod, pagsusulong ng katarungang panlipunan, at pagsasabuhay ng isang mahabagin at inklusibong pananaw sa Katolisismo.

"We must not see reality only through the eyes of those who have the most, but also through the eyes of the poor," sabi sa Crux news site noong April 2022, na sumasalamin sa pananaw ng Santo Papa tungkol sa mundo.

-- Cardinal Pietro Parolin, 70, Italian, Vatican diplomat. Itinuturing siyang paborito ng mga nag-oobserba.

Tinitingnan si Parolin bilang isang compromise candidate sa mga progresibo at konserbatibo. Malaking bahagi ng kaniyang buhay ay ginugol niya bilang diplomat ng Simbahan, at nagsilbi bilang kalihim ng estado ni Pope Francis mula pa noong 2013 — ang taon nang mahalal ang huli.

Maihahalintulad ang kaniyang posisyon sa isang punong ministro, at madalas tawaging "deputy pope" ang mga kalihim ng estado dahil sila ang pangalawa sa ranggo sa ilalim ng papa sa herarkiya ng Vatican.

--Cardinal Luis Antonio Gokim Tagle,  67, Filipino.  Madalas siyang tawaging "Asian Francis" dahil sa kaniyang katulad na malasakit sa katarungang panlipunan. At kung siya ang mahahalal, siya ang magiging kauna-unahang Santo Papa mula sa Asya.

Mayroon siyang ilang dekadang karanasan sa pastoral na paglilingkod mula nang maordinahan siya bilang pari noong 1982. Kalaunan ay nagkaroon siya ng karanasan sa pamamahala, una bilang obispo ng Imus at pagkatapos ay bilang arsobispo ng Maynila.

Ginawa siyang kardinal ni Papa Benedicto noong 2012. Bilang bahagi ng nakikitang estratehiya ni Pope Francis na bigyan siya ng karanasan sa Vatican, inilipat siya mula Maynila noong 2019 at hinirang bilang pinuno ng sangay na namamahala sa misyon ng Simbahan na Dicastery for Evangelisation.

Nagmula siya sa tinatawag ng ilan na “Catholic lung ng Asya,” dahil ang Pilipinas ang may pinakamalaking populasyon ng Katoliko sa rehiyon. Bihasa siya sa pagsasalita ng Italyano at Ingles.

-- Cardinal Joseph Tobin, 72, Archbishop ng Newark, N.J., American. Bagaman hindi nakikita na pipili ang mga kardinal sa buong mundo ang kauna-unahang Santo Papa mula sa Estados Unidos, ngunit kung mangyayari man ito, posibleng si Tobin ang isa sa pagpipilian.

Isang dating global leader ng major Catholic religious order na kilala bilang Redemptorists, si Tobin — na tubong Detroit — ay nanirahan sa iba't ibang bansa at bihasang magsalita ng Italyano, Espanyol, Pranses, at Portuges.

Mayroon din siyang karanasan sa paglilingkod sa Vatican at sa matataas na posisyon sa Simbahang Katoliko sa Estados Unidos. Nagsilbi siya bilang pangalawang pinuno ng isang opisina sa Vatican mula 2009 hanggang 2012, at pagkatapos ay itinalaga ni Pope Benedict bilang arsobispo ng Indianapolis, Indiana. Ginawa naman siyang kardinal ni Papa Francisco noong 2016 at kalaunan ay hinirang bilang arsobispo ng Newark.

--Cardinal Peter Kodwo Appiah Turkson, 76, Ghanaian, Vatican official.  Mula sa kaniyang payak na simula sa isang maliit na bayan sa Africa, umangat si Cardinal Peter Turkson sa matataas na posisyon sa Simbahan. Dahilan upang ituring siyang posibleng maging kauna-unahang Santo Papa mula sa sub-Saharan Africa.

Pinagsasama niya ang mahabang karanasan sa pastoral na paglilingkod sa mga kongregasyon sa Ghana, kasama ng aktwal na pamumuno sa ilang tanggapan sa Vatican, pati na rin ang kaniyang mahusay na kakayahan sa komunikasyon.

--Matteo Maria Zuppi, 69, Italian, Archbishop ng Bologna. Nang ma-promote si Zuppi noong 2015 at maging archbishop ng Bologna, binansagan siya ng  mga mamamahayag na "Italian Bergoglio," dahil sa kaniyang pagiging malapit kay Pope Francis, ang papa mula sa Argentina na ipinanganak bilang si Jorge Mario Bergoglio.

Si Zuppi ay magiging kauna-unahang Italianong Pope kapag napili mula noong 1978.

Katulad ni Pope Francis, noong naninirahan siya sa Buenos Aires, kilala si Zuppi bilang isang "street priest," na nakatuon sa mga migrante at mahihirap, at hindi pinapansin ang karangyaan at protokol. Tinatawag siyang "Father Matteo," at sa Bologna, madalas niyang gamitin ang bisikleta kaysa isang opisyal na sasakyan.— mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News