Hustisya ang panawagan ng amang overseas Filipino worker (OFW) na namatay ang anak at malubhang nasugatan ang asawa nang araruhin ng isang sports utility vehicle (SUV) ang mga tao sa departure area ng Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Linggo. Ang misis na nasa ospital, hindi pa alam na wala na ang kaniyang anak.Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ng nagluluksang ama na si Danmark Masongsong, na hindi pa rin siya makapaniwala na wala na ang kaniyang anak na si Malia, apat na taong gulang.“Kaya po ako nag-iibang bansa para po sa kanilang dalawa tapos ganun po mangyayari,” emosyonal niyang pahayag habang nasa burol ng anak.Kuwento niya, mga 15 minuto pa lang siyang nakakapasok sa NAIA para umalis patungong trabaho sa ibang bansa nang madinig ang kaguluhan.“Ka-text ko pa asawa ko niyan e hindi na po siya nagre-reply kaya ako natakot at napatakbo,” sabi ni Masongsong.“Tapos noong paglabas ko po nakita ko ‘yung magulang ko pati aking pamangkin, pati yung aking asawa nasa ambulansiya. ‘Yung anak ko di ko makita pero nung pagtingin ko sa ilalim ng sasakyan ‘dun ko na po nakita,” patuloy niya.Ayon kay Masongsong, plano sana niyang tapusin na lang ang dalawang taong kontrata sa abroad at mananatili na siya sa Pilipinas para lagi nang kasama ang kaniyang pamilya.“Ang sabi niya sa akin, ‘Daddy, ikaw na maghahatid sa school sa akin.’ Kasi ‘di ko pa nahahatid sa school ‘yan kasi lagi ako nasa ibang bansa, kaya gusto niya maranasan din ‘yun kasi mga classmate niya laging nandun ang daddy nila,” saad ni Masongsong.Sinabi ni Masongsong na hindi pa nila ipinapaalam sa kaniyang asawa na nasa ospital na wala na ang kanilang anak sa pangambang makasama ito sa kaniyang kalagayan.Sugatan din sa insidente ang kaniyang ina at pamangkin na kasamang naghatid sa kaniya.Umaasa si Masongsong na mapapanagot ang driver ng SUV sa nangyaring insidente na ikinamatay ng isa pang lalaki, at ikinasugat ng marami.—FRJ, GMA Integrated News