Dalawang lalaki na armado ng baril ang nangholdap sa mga kostumer ng isang Japanese restaurant sa Arnaiz Avenue, Makati nitong Linggo ng gabi. Pero palaisipan sa mga awtoridad kung bakit isinauli ng mga suspek ang mga cellphone ng mga biktima na nauna nilang kinuha.Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing dakong 6: 35 pm nang pasukin ng dalawang salarin na nakasuot ng helmet at armado ng baril ang restaurant.Tinutukan nila ng baril ang mga kostumer at kinuha ang mga gamit, partikular ang mga cellphone, at wallet ng isang Japanese na aabot sa P25,000 ang laman.Pagkaraan lang ng mahigit isang minuto, umalis na ang mga salarin. Pero walang pang isang minuto, bumalik ang isa sa kanila para isauli ang mga kinuha nilang cellphone bago tuluyang tumakas sakay ng motorsiklo.Ayon kay Police Major Anthony Bagsik, Sub station 5 commander, hindi pangkaraniwan ang ginawa ng mga holdaper na ibinalik ang tinangay na gamit mula sa kanilang biktima.Paliwanag naman ni Police Colonel Jean dela Torre, hepe ng Makati police, “The normal robbery usually nangyayari, wala kang ititira, kukunin mo lahat given the chance. And nandun na yung chance para puwede mong makuha supposedly yung mga gamit.”Maliban sa pera ng biktimang Hapon, wala na umanong ibang ninakaw ang mga suspek, at wala ring sinaktan.Bagaman hindi na magsasampa ng reklamo ang biktimang Hapon, sinabi ng pulisya na patuloy nilang hahanapin ang mga suspek.“Itutuloy po natin ito para mas malaman natin kung ano ang tunay na motibo,” ani Dela Torre, na sinabi ring may persons of interest na sila sa kaso. – FRJ, GMA Integrated News