Isang bagahe ang umusok at biglang nag-apoy matapos na idaan sa airport security ng Tallinn International Airport sa Estonia.

Sa ulat ng GMA Integrated News, sinabing isang worker ang mabilis na kumuha ng fire extinguisher para kaagad na mapatay ang apoy.

BASAHIN: Eroplanong pa-South Korea, bumalik sa Aklan airport dahil sa power bank na naisama sa check-in bagahe ng pasahero

Pagka-inspeksiyon sa nasunog na bagahe, natuklasan nilang may laman pala itong power bank.

"It was a 'lucky' accident, because the battery bank exploded BEFORE arriving on the plane. Imagine if an explosion like that had occurred during a flight in the aircraft's cargo hold, where no one could respond quickly to a fire," ayon sa pahayag ng Tallinn Airport.

Power bank din ang itinuturong salarin kung bakit nasunog ang isang eroplanong pa-takeoff sa Gimhae International Airport, South Korea noong Enero.

Nagtamo ng minor injuries ang tatlong pasahero, samantalang masuwerteng nakaligtas ang 163 iba pa.

Sinabi ng transport ministry ng South Korea na pumalya ang baterya ng isang power bank na inilagay sa overhead luggage compartment.

Dahil dito, ipinagbawal na ng South Korea ang paglalagay ng power banks at e-cigarettes sa mga overhead cabin ng lahat ng airline sa kanilang bansa.

Ipinagbawal din i-charge ang power banks sa loob ng eroplano.

Ayon sa mga eksperto, gumagamit ng lithium-ion batteries ang power banks na posibleng mabilis mag-overheat dahil sa tinatawag na "thermal runaway."

Highly reactive ang mga ito at madaling magliyab lalo kung may damage o depekto.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News