Kaawa-awa ang sinapit ng isang anim na taong gulang na lalaki sa Caloocan, na sinampal, sinipa sa ulo, binuhat sa leeg at sinikmuraan ng nobyo ng kaniyang ina na nagtatrabaho sa ibang bansa. Pero ang ginang, ipinarating sa kaniyang kapatid na ayaw niyang kasuhan ang kaniyang kinakasama dahil sa pagmamahal niya sa lalaki.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing naganap ang pananakit sa bata noong Agosto 5, na nakunan sa video, sa Barangay 175, Caloocan City.

Dahil sa insidente, kinuha ang bata ng kaniyang tiyuhin at inilipat sa bahay nito na nasa katabing Barangay 176.

Pinuntahan doon ng mga pulis, at mga kawani ng Caloocan City Social Welfare Department at barangay officials ang bata para alamin ang kalagayan nito matapos mag-viral ang video sa sinapit niyang pananakit sa ama-amahan. 

“Puwede po tayo na mag-refer sa mga national institution kagaya ng mental [health] para kung may trauma man na naiwan doon sa bata, maiayos po natin,” ayon kay Roberto Quizon, Action Officer ng Caloocan City Social Welfare Development.

Lumabas sa isinagawang medikal na pagsusuri sa bata na nabasag ang kaniyang ngipin at nagkapasa sa labi.

Kinalaunan, nagtungo sa police station ang sumagip na tiyuhin ng bata para ipaalam na nagtalo sila ng kaniyang ate na ina ng bata dahil tutol umano ang ginang na kasuhan ang kaniyang kinakasamang suspek.

“Napanood niya po ‘yung video. At first, she expressed disappointment. And then after nu’n, nagbati ulit sila [ng suspek]. Kaya 'yung ate ko galit sa amin na nandito kami ngayon sa pulis. Ayaw niya akong kasuhan 'yung lalaki,” ayon sa kapatid.

Nang tanungin kung bakit ayaw ng kaniyang ate na kasuhan ang nobyo nitong nanakit sa kaniyang anak, sagot ng tiyuhin, “Mahal niya daw po.”

Kasama ang mga opisyal ng barangay, pinuntahan ng GMA Integrated News ang inireklamong lalaki sa kaniyang bahay, na nadatnan na bagong gising at pumayag namang magpa-interview.

Pero napansin umano ng mga taga-barangay na tila amoy alak ito.

Paliwanag niya tungkol sa nag-viral na video: “Sumuka po sa bibig ko. Akala ko ibang tao. Hindi ko sinakal, tingnan mo. Niyakap ko nga eh, sabi niya ‘Daddy.’ Ayun lang narinig ko, daddy.”

Humingi na ng tawad ang lalaki at sinabing ngayon lamang ito nangyari.

“Matagal lang na po akong humingi ng tawad. 'Yung nanay na lang po ang kausapin. Okay naman daw po kami. Nagalit din,” sabi pa niya.

Sa ngayon, hindi pa dinadakip ang lalaki dahil lampas na umano sa reglementary period ng pag-aresto ang pangyayari.

“‘Yung incident ay nangyari po noong August 5. At nag-report po sila sa amin noong August 12. Which is 7 days after na po 'yung pangyayari. Kaya lagpas na po siya sa reglementary period natin,” paliwanag ni Staff Sergeant Analyn Ballogan, investigator on case, WCPD North Caloocan Police.

Nakatakda nang sampahan ng reklamong child abuse sa piskalya ang lalaki. Kung makikitaan ng basehan na iakyat sa korte ang kaso, posibleng maglabas ng arrest warrant ang piskalya at doon pa lang maaaring arestuhin ang lalaki.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News