Habang naghihintay ng pasahero, nagbabasa ng libro sa kaniyang pag-aaral noon sa kursong accountancy ang isang dating tricycle driver sa Floridablanca, Pampanga. Dahil sa kaniyang pagsusumikap, isa na siya ngayong Certified Public Accountant at propesor sa kolehiyo.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala ang 36-anyos na si RR Jefferson Dimla, na sumabak sa pagiging tricycle driver nang maging OFW noon ang kaniyang ama na siyang dating namamasada.

Kuwento ni RR na panganay sa anim na magkakapatid, sa pamamasada ng tricycle umaasa noon ang kanilang ama. Ngunit nagkaroon ng oportunidad para magtrabahong aircon technician abroad ang kanilang ama, si RR na ang sumalo sa naiwan nilang tricycle.

“So ‘pag umaga 'yung pasok ko, afternoon du’n ako namamasada, may dala-dala akong libro. ‘Pag wala akong pasok, doon ako sa terminal talaga,” sabi ni RR.

Isinasabay noon ni RR ang pagsusunog ng kilay sa kursong Bachelor of Science in Accountancy, ang pamamasada sa kalsada para kumita rin.

“So akala nila ‘pag may dala akong libro, nagpapanggap lang ako na may dala ako libro, hindi ako nagbabasa. Eh ang thinking ko lang kasi naman noon, maghihintay ako ng pasahero, isang oras, dalawang oras. Bakit ko sasayangin 'yung oras ko na makipagkuwentuhan lang? I mean, nakikipagkuwentuhan ako, pero may mas malaking misyon ako eh,” sabi ni RR.

Para kay RR, bawal ang tamad, mahalaga ang kada oras lalo kung may oportunidad na kumita. Kaya naman proud ang kaniyang Tatay Jose sa kaniyang sipag.

Hindi rin biro kay RR ang pagsabayin ang pag-aaral at pagkakayod. Minsan na rin siyang nalihis ng landas habang nag-aaral at bumagsak sa isang subject dahil palaging absent.

Sa kabila ng hirap, hindi sumuko si RR sa ngalan ng diploma at kagustuhang makatulong sa pamilya.

Kaya noong 2012, bukod sa nakapagtapos ng pag-aaral, nakapasa pa sa board exam at naging isang certified public accountant si RR.

Bukod dito, mayroon pa siyang nakuhang work from home at mayroong mga foreign client, at part-time rin siyang nagtuturo sa iba’t ibang paaralan.

Pangarap din niyang maibahagi sa mga susunod na henerasyon ang kaalaman niya.

“Tutulungan ko 'yung sarili ko makagraduate ako, makapasa ako at the same time, baka matulungan ko 'yung mga kapatid ko,” sabi niya.

Nagsisilbi niyang inspirasyon ang partner na si Abigail at kanilang 11-anyos na anak na ayaw niyang danasin ang pinagdaanan niya noon.

Para sa kaniya, ang tricycle ang simbolo ng kaniyang pagsisikap at pagsisipag para maabot ang mga pangarap sa buhay.

“'Yung tiwala sa sarili. I have nothing to lose. Parang naisip ko lang na wala namang mawawala sa akin kung magsusugal ako, kung lalaban ako. Siguro gano'ng kalakas 'yung loob ko,” ayon kay RR.—FRJ GMA Integrated News