Taong 2019 nang maghiwalay ang mag-asawang celebrity doctors na sina Manny at Pie Calayan. Totoo nga ba na isang vlogger ang naging third party sa naturang relasyon? Alamin.
Sa vlog na Kay Susan Tayo! tinanong ng host na si Susan Enriquez si Dr. Manny kung ano ang nangyari sa relasyon nila ni Dr. Pie na humantong sa paghihiwalay.
“We parted ways nu'ng 2019. Almost seven years. Hindi pa naman annulled,” sabi ni Doc Manny.
Gayunman, nilinaw ni Manny wala pa silang inihahaing annulment case o hakbang para ipawalang-bisa ang kanilang kasal.
“Hindi pa. Wala pang action. Wala pa nagpa-file,” sabi niya.
Inilahad ng doktor ang dahilan ng kanilang pag-aaway.
“Nagka-clash. Nagka-clash lang. Mga maliliit na bagay. Iba na siya. Iba na rin ako. Lagi kami nag-aaway,” ani Doc Manny. “And then, sabi ng mga anak namin, ‘Maghiwalay na kayo. Kaysa naman nakikita namin kayo laging magkaaway. Hindi naman healthy ‘yan.’”
Inilahad ni Doc Manny na “na-fall out of love” siya sa kaniyang asawa.
“Kasi, nawala siya ng five years eh. ‘Di ba nag-aral 'yung mga bata? Pinag-aral namin sa abroad, sumunod siya. Tapos sinamahan niya roon. Nahiwalay kami.”
Kalaunan, inamin ni Doc Manny na nagkaroon siya ng ibang minahal, na nabisto kalaunan ni Doc Pie.
“Ganu’n nga,” sabi niya. “Pag-uwi niya, to confirm, na-confirm nga niya. Then, tumagal pa kami ng four years ni Doc Pie. Pero parang cold na 'yung mga years na ‘'yun.”
Ayon sa doktor, sinubukan pa rin namang isalba ang kanilang relasyon, ngunit tila patuloy pa ring nawala ang loob nila sa isa’t isa.
“Iba na 'yung lifestyle ko eh. 'Yung lumalabas gabi-gabi. Wala kasing asawa, nasa malayo. Ang daming tukso.”
Diretsahang tinanong ni Susan kung sino ang kaniya ngayong partner.
“Secret. Victoria. Victoria Secret,” biro ni Doc Manny. “Wala, wala.”
Wala ring bagong pag-ibig ngayon si Doc Pie, ayon kay Doc Manny.
“Natutuwa naman ako at inaalagaan niya 'yung mga anak namin. At siyempre, mga babae 'yun. So, lahat ‘yan kalaban ko. Kampi sa ina.”
Noong nasa abroad ang asawa, inamin ni Doc Manny ang tungkol sa kaniyang illicit affair.
“Illicit affair lang. Hindi naman love child. Nababalitaan nga niya…Hanggang sa umuwi siya. Hindi ko alam 'yung pag-uwi niya. Biglaan, surprise.”
Naging pasyente ni Doc Pie ang ka-affair ni Doc Manny, na isang vlogger.
“Naging pasiyente niya, 'yung ka-affair ko. Nagpa-derma sa kaniya. Hindi ko alam ba’t, nalaman. Ang galing galing na instinct. Tapos sabi niya, ‘Vlogger ka?’ Tapos tinawag 'yung anak ko,” kuwento ni Doc Manny.
“‘Tingnan mo, maganda, bata. Tingin mo ito 'yung kay daddy na kinalolokohan?’” tanong umano ni Doc Pie sa kanilang anak, batay sa pag-alala ni Doc Manny.
Nasa Canada noon si Doc Manny, nang tumawag ang ka-affair niya na in-“interrogate” umano ni Doc Pie sa clinic.
“Tumawag sa akin, 'Yung asawa mo. Dinetain (detain) ako sa clinic. In-interrogate. Umamin na daw siya. Sabi ko, ‘Patay! Pag-uwi ko nito, madugong engkuwentruhan,” sabi ni Doc Manny, at inihayag din na umamin siya naturang relasyon.
Umabot daw pa raw sila ng kaniyang ka-affair ng tatlong taon.
Ngunit sa ngayon, sinabi ni Doc Manny na walang ibang nagpapatibok ng kaniyang puso. – FRJ GMA News
