Isang lalaki sa Mabalacat, Pampanga ang aksidenteng nalunok ang wire ng kaniyang braces nang kumain siya ng rice cake. Matanggal kaya ang wire na tumusok sa kaniyang lalamunan? Alamin.
Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing ibinahagi ni Vincent John Jocson sa social media ang kaniyang post-workout snack nang mangyari ang hindi niya inaasahan.
"Naramdaman ko 'yung wire ng brace ko, nawawala na. Pagkatapos ko lumunok, naramdaman ko may tumutusok dito. Masakit siya, parang natinik ka," sabi ni Vincent.
"Tinry kong tingnan sa salamin. Hindi ko na siya mahanap kasi feel ko malalim na siya. Tinry kong magsuka, wala din," dagdag niya.
Nang magtungo si Vincent sa ospital, nakumpirma na nalunok nga niya ang wire ng kaniyang braces.
Isinailalim sa procedure si Vincent para maalis ang wire.
"Nilagyan nila ako tubo sa bibig. Parang may camera siya and then may pang-ipit sila pangkuha," kuwento niya.
"Medyo mahirap daw siyang hanapin pero eventually nahanap naman nila, nasa dulo na daw siya ng dila ko," dagdag ni Vincent.
Ayon kay Dr. Gamaliel Urbi, President-elect ng International Association for Orthodontics, mapanganib ang nangyari kay Vincent pero itinuturing rare occurrence.
"I would say one-percent or maybe less than one-percent," saad niya. "If it's lengthy, about one inch or more, there is a good chance it might get dislodged or it might get stuck inside."
Hindi mangyari sa ibang may braces ang insidente, ipinayo ni Urbi na may ilang pagkain na dapat silang iwasan, gaya ng mga matitigas.
"Don't eat it directly. Bite sizes and then slowly swallow it," dagdag ng duktor. —Nika Roque/FRJ GMA News
