Pumanaw si Sue Prado dahil sa cardiac arrest, ayon sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Guia Antonette “Annie” Mera.

Inihayag ito ni Annie sa burol ni Sue noong nakaraang Biyernes, ayon sa ulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

“Wala akong alam na iniinda niya pero alam naman natin, kapag sakit sa puso, napaka-traydor,” saad ni Annie. “Ito yung napaka-fatal siguro."

Sa naunang Facebook post ng kanilang bunsong kapatid na si May Shereen, sinabing pumanaw si Sue noong Abril 14 sa edad na 44.

“Sue brought light in anyone’s path throughout her life. A life lived for others, for the craft she nourished and for those whom she loved most," saad ni May sa post.

Nakilala si Sue sa kaniyang mga pagganap sa Philippine New Wave films, kabilang ang mga pelikulang “Oro” at “Barber’s Tales” noong 2013, pati na rin sa iba pang proyekto sa pelikula, telebisyon, at teatro.

Lumabas din siya sa mga GMA show tulad ng “Bolera” (2022), “Princesa ng City Jail” (2025), at “Abot Kamay na Pangarap.” Maging sa mga pelikulang gaya ng “Balota,” “Kantil,” “Your Mother’s Son,” at “Manila Skies,” at marami pang iba.

Ayon sa ulat ng PEP.ph, sinabi ni Annie na nabanggit ni Sue noong nabubuhay pa ito na ayaw ng aktres ng malaking seremonya kapag pumanaw siya.

“Sa mga kuwentuhan naming magkakapatid, may mga bilin na siya. Na wala nang seremonyas. Wala nang eulogy. Kung puwedeng lata ng biscuit, lata ng ano, doon na lang. Mga ganun. Ayaw na nga niyang ipaalam — diretsong cremation, diretsong libing," pahayag ni Annie, na idinagdag na sinabi lamang ni Sue sa entertainment personality na si Neil Daza ang kanyang nais na “pinakamurang urn.”

Ililibing si Sue sa tabi ng kaniyang ama sa Loyala Marikina sa Martes, ayon kay Aniie. — FRJ GMA News