Binalikan nina Susan Enriquez at Senador Robin Padilla, ang nangyaring pagkaka-hostage sa kanila noong taong 2000 ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa Basilan. Inilahad din ng actor-turned-politician na nagkagusto at nais pakasalan noon ng isang miyembro ng ASG ang Kapuso journalist.

Sa nakaraang episode ng “Kay Susan Tayo! Vlogs,” nagbalik-tanaw sina Susan at Padilla tungkol sa kasagsagan noon ng ginagawang pagkidnap ng ASG sa mga estudyante at guro sa lugar.

Si Susan ang na-assign na mag-cover kay Padilla na nakikipag-negosasyon sa grupo. Ayon sa kaniya, aakyat si Padilla sa teritoryo ng mga Abu Sayyaf sa Basilan, at bababa rin dapat sa naturang araw. Subalit iba ang nangyari.

“Masasabi nating isang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas na hindi dapat makalimutan,” sabi ni Padilla.

“Diyan nag-umpisa ang masasabi nating masakit, malagim. Kasi alam naman natin nu’ng kinausap natin sila, marami silang hinaing na hindi sila napapakinggan, ang pakiramdam nila na-invade na ‘yung Muslim territory,” ani Padilla.

Ayon kay Padilla, pumunta siya sa pag-aakalang pakakawalan na ng Abu Sayyaf ang mga bihag nito dahil may pag-uusap na sa gobyerno.

“So pumunta naman tayo for good faith. ‘Yun pala, meron silang hiling sa gobyerno. Pagdating natin doon, hinahanap nila ‘yung bigas, kung natatandaan mo? Sabi ko ‘Anong bigas?’ ‘May ipinangako sa aming mga bigas, mga de lata,’” pag-alala ng senador na aktor pa lang noon.

Nanawagan umano ang lider ng Abu Sayyaf na si Abu Sabaya sa gobyerno para sa 200 sako ng bigas. Kalaunan, sinabi ng ASG na hindi makabababa ang grupo nina Padilla at Susan kung hindi mapagbibigyan ang kanilang hiling.

“‘Hangga’t wala ‘yung mga bigas, hangga’t wala ‘yung mga de lata, hindi kayo makakababa. So ‘yun ‘yung nagbigay sa atin ng shock,” sabi ni Padilla.

Hanggang sa ikulong na umano si Susan at iba pang journalist din gaya ni Noli De Castro sa isang kubo.

Dalawang araw na hinintay nina Padilla at Susan para maiakyat ng gobyerno ang mga sako ng bigas.

Habang bihag, natipuhan umano si Susan ng isa sa mga miyembro ng Abu Sayyaf, ayon kay Padilla.

“Sabay tayong kumakain, kung maaalala mo. Noodles, sardinas, toyo. ‘Yun ang kinakain natin. Tapos parang nililigawan ka pa yata, nakarating sa akin ‘yon. Kinausap ko ‘yung Abu Sayyaf sabi ko, ‘Huwag ganiyan, tinatakot niyo ‘yung tao. Kawawa naman si Susan,’” pag-alala ni Padilla.

“Umiiyak ako,” pag-alala ni Susan. “Si Senator lahat ang nakakaalam noon kasi siya ang direktang kausap ng mga lider.”

Si Janjalani pa umano noon ang walang masamang intensiyon, ngunit si Abu Sabaya ang tila agresibo.

“Sinasabi ko nga na dapat hindi natin sinasama ‘yung mga bata, mga babae, sa ganitong klaseng [insidente]” ani Padilla.

Pag-alala pa ni Susan, ipinanood pa kay Padilla ng Abu Sayyaf ng mga ginagawa nilang karahasan.

“Sinabi ko pa roon kay Janjalani na ‘Huwag na nating ipakita ‘yan kasi masyadong morbid.’ Kasi ‘yun ang pinapapalabas nila, ‘yung mga giyera-giyera, pugot-pugot. ‘Kung ang gusto natin ay makuha natin ‘yung puso nila at maniwala diyan sa pinaglalaban niyo, huwag ‘yan ang ipakita,’” pag-alala naman ni Padilla.

Ibinahagi ni Susan ang tumatakbo sa kaniyang isipan noong mga panahon na iyon.

“Alam mo ba ang tumatakbo sa isip ko? Of course, hindi ko sinasabi kahit kanino. I’m sure nakikita mong umiiyak ako. ‘Makikita ko ba ang pamilya ko?’ Kasi parang ang feeling ko ang buhay natin noong mga oras na ‘yun…” sabi niya.

“Wala na. Kasi pati kayo may presyo na rin,” pagdugtong ni Padilla, na nagsimula nang makipagnegosasyon para sa kaligtasan ng mga kasamang media.

Si Susan, narinig ang pag-uusap ng mga Abu Sayyaf tungkol sa kaniya.

“Lagi ko lang naririnig ‘Nasaan ‘yung babaeng maliit, na maputi?’ Siyempre kahit walang sinasabi, pero hinahanap ka, matatakot ka noon,” sabi niya.

Naalala naman niya ang pagmamalasakit sa kaniya ni Padilla.

“Si senator, laging tawag niya, ‘Ma'am, ma'am, okay ka lang ba?’ ‘Ma'am, may sinabi ba sa’yo? ‘Tinakot ka ba? Mayroon ba sinabing hindi maganda sa'yo?’... Nami-miss mo na ba ‘yung anak mo?’ Sabi ko, ‘Oo, nami-miss ko na anak ko,’” sabi ni Susan.

Binantayan din ni Padilla si Susan para sa kaligtasan nito.

“May isang gabi doon na siguro mga isang oras, dalawang oras din akong nasa labas noong kubo ni ma'am kasi mahirap na, baka mapagsamantalahan ka,” pagtatapat ni Padilla.

“Kasi hindi na talaga ako lumalabas sa kubo noon. Hanggang doon na lang ako sa loob ng kubo. Nakikinig na lang ako, hinihintay ko na lang kung anong mangyayari. Siya ‘yung nakikita ko kahit paano, siya lang ‘yung puwedeng makiusap para sa akin kung mayroon mga masamang balak,” sabi ni Susan.

“Saka sa akin sinasabi na gusto ka nga daw, papakasalan ka nga daw. Sabi nila, ‘Siya (Padilla) na lang ang makakababa.’ Sabi ko, ‘Hindi puwede ‘yon… na ‘yung sinama ko, hindi ko kasamang bababa. Paano magtitiwala sa akin ang gobyerno, kung gusto niyo akong makipag-usap sa gobyerno?’” ani Padilla.

Kalaunan, humantong sa negosasyon sa pagitan ng Abu Sayyaf at gobyerno at pinakawalan sina Padilla, pati na rin ang mga media team kasama si Susan.

Pagkarating ng truck na may bigas, pinauna na ni Padilla si Susan.

“Natatandaan ko ‘yung sinabi mo noon sa akin ‘Sumakay ka na. Mauna ka na.’ Tinulungan niya pa ako sumakay sa truck,” sabi ni Susan.

“Nagpaiwan ako. Sabi ko ‘Mauna na kayo,’ kasi ayoko na mauna ako. Kasi baka ‘pag nauna ako, ‘pag nandu’n na ako, harangin na naman kayo. Kasi natakot ako na may gusto kasi talaga sa iyo ‘yung isang Abu Sayyaf,” kuwento ni Padilla.

“Hindi ko alam ‘yun eh,” tugon ni Susan.

“Gustong-gusto ka niya talagang iwan. Sinabi niya sa amin, ‘Pakakasalan ko naman si Susan,’” ani Padilla.

“Pero sobrang na-appreciate ko talaga ‘yung pag-aalala mo sa akin noong panahon na ‘yun. Parang kahit noon lang kami nagkasama, kino-cover lang kita. Kitang kita ko ‘yung pagmamalasakit mo, sobrang na-appreciate ko,” pasasalamat ni Susan kay Padilla. -- FRJ GMA News