Nilinaw ng Makati City Police na hindi road rage o robbery incident ang nag-viral na video na makikitang hinarang ng isang lalaking armado ng baril ang isang pick-up truck sa Chino Roces sa Taguig-Makati area, habang may isa pang lalaki na bumutas sa gulong ng sasakyan.

“Clarify lang po namin. The video circulated online on April 24, 2026 involving multiple vehicle collision along Chino Roces in Taguig and Makati was a vehicular accident,” sabi ni Makati City Police chief Police Colonel Pedro Alagano Jr. sa isang press briefing nitong Lunes.

“Hindi po siya robbery-holdup or a road rage accident,” dagdag niya.

Nangyari umano ang insidente dakong 7 p.m. malapit sa isang gasoline station sa Chino Roces Avenue sa Barangay Fort Bonifacio sa Taguig City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alamang bumagal ang isang sedan upang kumaliwa nang mabangga ito sa likuran ng isang pickup truck. Dahil sa lakas ng impact, tumawid ang sedan sa kabilang linya at may nabangga itong isang motorsiklo.

Nasugatan ang rider ng motorsiklo ngunit agad itong nabigyan ng atensiyong medikal.

Ayon sa pulisya, umalis ang pick-up truck patungo sa Makati, at hinabol ng ibang rider hanggang sa masukol sa Chino Roces Extension sa Barangay Magallanes, matapos na may mabangga pa umanong sasakyan.

Nagkaroon na umano nang maayos na pag-uusap ang mga direktang sangkot sa insidente.

Ayon sa mga awtoridad, nagsagawa sila ng backtracking ng CCTV camera at napag-alaman na kamag-anak ng driver ng isang sasakyang sangkot sa insidente ang lalaking bumutas sa gulong ng pickup truck.

Sa isang ulat ng GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing tukoy na rin umano ng mga awtoridad ang lalaking may baril na isa rin daw sa mga nabangga ng pickup truck.

Samantala, idinahilan naman ng driver ng pick-up truck na natakot siyang kuyugin kaya hindi kaagad siya tumigil nang mayroon siyang mabangga. — Joviland Rita/FRJ GMA News