Ang Pilipinas ang magiging punong-abala sa ika-48 Association of Southeast Nations (ASEAN) Summit na gaganapin ngayong buwan ng Mayo sa Cebu. Ano nga ba ang regional bloc na ito, at anong mga bansa ang kasapi? Alamin.

Magtitipon-tipon ang mga pinuno mula sa 11 member-nations sa Lapu-Lapu City, Cebu para sa ASEAN Summit and Related Summit. Ito ang ikalimang pagkakataon na ang Pilipinas ang mamumuno sa pagtitipon.

Itinatag ang ASEAN noong Agosto 8, 1967 sa Bangkok, Thailand matapos lumagda ang Indonesia, Malaysia, Pilipinas, Singapore, at Thailand sa ASEAN Declaration bilang mga founding member nito.

Sina Adam Malik ng Indonesia, Narciso Ramos ng Pilipinas, Tun Abdul Razak ng Malaysia, S. Rajaratnam ng Singapore, at Thanat Khoman ng Thailand ang limang foreign ministers na lumagda dito, at kilala bilang "Founding Fathers" ng regional bloc.

Kalaunan, nadagdagan pa ang mga kasapi nito matapos na tanggapin na maging miyembro ang Brunei Darussalam noong 1984, ang Vietnam noong 1995, ang Laos at Myanmar noong 1997, at ang Cambodia noong 1999.

Ang Timor Leste ang pinakabagong bansa na sumali sa regional bloc noong 2025.

Bagong legal framework

Simula nang ipatupad ang ASEAN Charter noong Disyembre 15, 2008, tumatakbo ang organisasyon sa ilalim ng isang bagong balangkas ng batas.

Lumikha rin ito ng ilang bagong lupon na idinisenyo upang pabilisin ang paglago at integrasyon ng komunidad ng Associ ASEAN community.ation of Southeast Asian Nations.

Sa ilalim ng Charter, itinataguyod ng ASEAN member-states ang mga magkakaparehong interes at pagtutulungan ng isa't isa; paggalang at pagtataguyod ng mga karapatang pantao; at isang Southeast Asia na wala o malaya sa armas nukleyar.

Itinataguyod din nila ang rules-based economic integration, pagsunod sa mga multilateral na patakaran sa kalakalan, at pag-aalis ng lahat ng hadlang sa integrasyong pang-ekonomiya sa rehiyon.

ASEAN Summit

Ang ASEAN Summit ang pinakamataas na kinatawan na gumagawa ng patakaran sa Southeast Asia. Ginanap ang unang ASEAN Summit sa Bali, Indonesia noong Pebrero 23 hanggang 24, 1976.

Pinagsasama-sama ng biannual na pagpupulong ang Southeast Asian leaders para harapin ang mga hamon sa rehiyon, palalimin ang mga pagkakaisa, at balangkasin ang mga pangmatagalang layunin para sa organisasyon.

Hindi lamang nakikipagtulungan ang regional bloc sa mga miyembro nito, kundi nakikipagkaisa rin sa mga bansang hindi miyembro ng ASEAN.

Sa ilalim ng Article 46 ng ASEAN Charter, ang non-member nations at intergovernmental groups ay maaaring magtalaga at mag-accredit ng official ambassadors sa ASEAN.

Kabilang sa mga hindi miyembro ng ASEAN na may mga itinalagang ambassador sa ASEAN ay ang Australia, Brazil, Canada, Chile, China, Denmark, France, India, at Japan.

48th ASEAN Summit sa Cebu

Gaganapin ang ika-48 ASEAN Summit sa Cebu hanggang Mayo 8.

Idinadaos nitong Huwebes, Mayo 7 ang magkakasunod na pagtitipon ng mga ministro, tampok ang ASEAN Foreign Ministers’ Meeting at ang ika-31 Political Security Community Council.

Dadaluhan ang mga sesyong ito, na kinabibilangan din ng ika-38 Coordinating Council at isang joint meeting ng mga Foreign and Economic Minister, ng mga matataas na opisyal mula sa lahat ng 11 member-nations bilang paghahanda para sa pangunahing summit sa Biyernes, Mayo 8.

Dati nang nanungkulan ang Pilipinas bilang tagapangulo ng regional bloc noong 1987, 1999, 2006, at noong 2017.

Magho-host din ang bansa sa ika-49 na edisyon sa Nobyembre ngayong taon matapos umatras ang Myanmar.

“Navigating Our Future, Together” ang tema para sa 2026 ASEAN Summit. – Vince Angelo Ferreras/Jamil Santos/FRJ GMA News