Ipinamalas ng isang may-ari ng ukay-ukay ang diwa ng pagmamalasakit nang bilhin niya ang sangkatutak na gulay na hindi maibenta ng mga magsasaka sa Benguet. Ang mga gulay, libre niyang ipamigay sa mga tao sa Imus, Cavite.
Sa nakaraang episode ng “I Juander”, itinampok si Chad Domanog, na bumili ng 30 tonelada o halos 30,000 kilo ng gulay mula sa mga magsasaka sa Benguet na hindi makabiyahe, para ipamigay naman sa mga Caviteño.
“Instead po na nasasayang 'yung hard work nung ating farmers, at least naibabalik natin kahit kaunti 'yung mga naging expenses nila sa pagtatanim,” sabi ni Chad.
Laking-Sagada ang pamilya ni Chad, at mga dati rin mga magsasaka.
Nang minsan silang mapadaan sa Benguet, napansin nila ang tambak-tambak na mga gulay, at nanghinayang nang makitang itinatapon at nabubulok na lamang ang mga ito.
“Talagang kailangan nang magtulungan kasi sa sobrang mahal ng gastusin,” ani Chad.
Isa ang tsuper na si Tatay Ricardo de Leon na matiyagang pumila para makatanggap ng libreng gulay.
“Mahirap maging driver kaya nadaanan ko ito, pumila lang ako, makakuha lang ng gulay. Sa hirap ng buhay, tulad namin 'yung driver, mahirap, kailangan naman,” sabi ni Tatay Ricardo.
“Dahil sa mahal na mga bilihin ngayon, malaking tulong din po ito sa pamilya namin,” sabi naman ni Eva Acosta, pumila sa community pantry.
“Sobrang good news po kasi dahil sa libre kaya huminto ako para makakuha. Dahil sayang kasi,” sabi naman ni Erwin Sorila, delivery rider.
Ang ayudang gulay ni Chad, umabot pa sa isang NGO sa Quezon City upang iluto at ipamigay.
“Any donation of food is something that we welcome. So for the gulay, we either distribute it as it is or in this case, we will turn it into hot meals,” sabi ni Rachel Luna, General Manager ng Scholars of Sustenance Philippines.
Tunghayan sa I Juander ang pagpapakain ng grupo ni Rachel sa mga tricycle driver sa Barangay Old Capitol site, mula sa libreng gulay ni Chad. Panoorin. – FRJ GMA News
