Sa isang panayam, inihayag ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa ang tatlong dahilan kung bakit siya muling pumasok sa Senado noong nakaraang linggo matapos na “mawala” ng limang buwan. Inamin din niya na hindi siya pupunta sa kapulungan kung nalaman niya kaagad na may nag-aabang sa kaniya para arestuhin siya.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita ang ginawang panayam ni Jessica kay Dela Rosa noong nakaraang Miyerkoles, ilang oras bago maganap ang kaguluhan at putukan ng baril sa kapulungan.
Nobyembre noong nakaraang taon nang “magtago” si Dela Rosa at hindi pumasok na pumasok sa Senado. Nangyari ito, matapos lumabas ang mga balita na nag-issue ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa dahil sa partisipasyon umano niya sa kampanya kontra-ilegal na droga ng administrasyong Duterte na marami ang nasawi.
Pero makalipas ang may limang buwan, marami ang nagulat nang biglang sumulpot si Dela Rosa sa Senado noong nakaraang Lunes. Kasama siya ng 13 senador na bumoto para mapatalsik si Sen. Tito Sotto bilang Senate President, at ipinalit si Sen. Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Dela Rosa, pumasok siya sa Senado noong nakaraang Lunes, para sa gagawin nilang pagkilos para agawin ang liderato sa kapulungan.
"Tinawagan ako ng aking mga kasamahan (na senador) na kailangang nandito ako sa Senado para botohan," ani Dela Rosa, na tinukoy din na si Cayetano ang tumawag sa kaniya.
"So kung hindi ako dumating, hindi namin makuha 'yung leadership dahil nga ako ang contempted vote," saad niya.
Matagal na rin daw niyang nais na lumutang dahil bukod sa planong pagpapalit ng leadership, nais din niyang maging bahagi ng impeachment trial ni VP Sara Duterte.
Ang ikatlong dahilan ng kaniyang paglutang noong Lunes, “Nahihiya na ko sa sinasabi ng mga pumupuna sa akin na sige tayo tanggap ng sahod galing sa gobyerno hindi tayo nagtatrabaho.”
Paliwanag din niya, “Nagtatrabaho naman tayo, yung opisina natin nagpa function pero absent nga lang tayo (sa plenary) pero yung aking pagmo-monitor distant lang.”
Pero inamin niyang hindi siya pupunta sa Senado kung alam niyang may nag-aabang sa kaniya para arestuhin siya.
Ang tinutukoy ni Dela Rosa ay ang mga ahente ng National Bureau of Investigation na nais siyang arestuhin sa bisa ng arrest warrant mula sa ICC.
Kuwento ni Dela Rosa nang araw na arestuhin siya, “Hinawakan 'yung braso ko, pumiglas ako, pagpiglas kong gano'n, takbo na ako."
Nilinaw din niya na nasugatan siya sa kamay matapos siyang madapa sa hagdan habang tumatakbo palayo mula sa mga ahente ng NBI na nais siyang dakpin.
Giit ni Dela Rosa, wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas dahil kumalas na ang bansa sa Rome Statute in 2019.
"You want to punish me, do it here in the Philippines not in other countries," saad ni Dela Rosa.
Nagbigay din siya ng pahayag sa mga pamilya na may nasawing kaanak sa war on drus.
"Ako'y nakikiramay sa lahat ng namatayan ng War on Drugs," ani Dela Rosa. "Hindi ko po kinukunsinti 'yung mga pagkakamali na ginawa ng ating kapulisan."
Itinanggi niyang may inutusan siyang pulis para patayin ang mga suspek na sangkot sa ilegal na droga.
"At wala po akong ni-isang taong, isang pulis na sinabihan ko na, 'Patayin mo 'yan,'" paliwanag niya.
.Iginiit din ng legal team ni Dela Rosa na hindi “self-executing” ang ICC warrant sa Pilipinas.
Ayon kay Attorney Israelito Torreon, kailangan munang dumaan sa judicial confirmation sa lokal na hukuman bago ito maipatupad.
"Under Rule 39, section 48, it has to pass through a petition for judicial confirmation of foreign judgment before it can be recognized by the Philippines," paliwanag ni Torreon.
Ilang oras matapos ang naturang panayam kay Dela Rosa, idineklara na i-lockdown ang Senado, at nangyari na ang sunod-sunod na putok ng baril. Tunghayan ang video at balikan ang mga pangyayari sa Senado, na makaraan ang ilang oras, nakalabas ng kapulungan si Dela Rosa at muling "nagtago." – FRJ GMA News
