Puwede nga bang maging emosyonal ang baka? Gaya ng isang baka sa Davao City na napaluha umano matapos ibenta ng kaniyang amo. Magbago kaya ang isip ng amo? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” itinampok ang bakang si Browny, na isang taon at apat na buwang gulang na.
Tila nalungkot si Browny nang i-turnover na siya ng kaniyang amo sa bagong mag-aalaga sa kaniya.
Sa video, mapanonood na bigla umano itong naging emosyonal at napaluha pa.
Nakuhanan ang tila pagluha ni Browny nang magpapaalam na sa kaniya ang kaniyang amo na si Jaymar Pedro.
Maging si Jaymar, nagulat sa nakitang reaksyon ni Browny.
“Malungkot siya pagbenta ko sa kaniya dahil siguro sabi sa isip niya, kaya siya siguro umiiyak. Nakita talaga ang luha niya. Masakit siyempre, may puso at nakita mo umiiyak ang aking baka,” sabi ni Jaymar.
Ayon kay Jaymar, si Browny ang pinakamaamo at pinakamabait sa kaniyang mga alaga.
“Kinakausap ko siya. Sinasabihan na, ‘Uminom ka ng marami, kumain ka ng marami para lumaki ka at lumakas.’ Si Browny talaga ay parang parte na siya ng aming pamilya,” ani Jaymar, na inaming mahirap din ang naging desisyon na ibenta niya si Browny.
“Ang pakiramdam ko nu’ng pag-alis niya ay para ding tutulo ang aking luha. Pero pinigilan ko lang dahil maraming tao,” ani Jaymar.
Kinailangan umanong ibenta si Browny para makapagsimula sina Jaymar ng panibagong kabuhayan.
Ngunit sadyang nagmarka kay Jaymar ang mga luha ni Browny.
“Naniniwala talaga ako siyempre na malungkot si Browny dahil kung hindi siya malungkot, hindi ka iiyak,” sabi niya.
Paliwanag ni Kuya Kim na maging ang mga baka, may kakayahan ding ma-attach sa tao, lalo na kapag madalas nitong kasama at inaalagaan.
“Nasasanay at nakakabuo rin ng familiarity at attachment. Kaya kapag nahihiwalay sila sa nakasanayang amo o paligid, posible na silang ma-stress at mag-iba ng kilos,” sabi ni Kuya Kim.
Matalas din ang memorya ng mga baka, na kayang makilala at makaalala sa mga taong madalas nilang nakakasama, lalo kung mabuti ang pagtrato sa kanila.
“So it’s very highly likely, na because of the social bonds and friendship na nabuo niya sa kaniyang human, ay puwede na dahil doon kaya parang lumuha, o naka-feel siya ng sadness or ng fear or ng separation anxiety,” sabi ng veterinarian na si Dr. Zarah Manalo Rosuello.
“Nakaka-remember sila ng positive and negative na experiences. May ability sila na mag-express or maka-feel ng joy, ng fear, ng anxiety, ng mga ganong emotions,” dagdag niya.
Si Jaymar, hindi natiis si Browny kaya kinausap niyang muli ang pinagbentahan niya ng kaniyang alaga para bawiin. Pumayag kaya ang kausap niya? Panoorin ang buong kuwento. – FRJ GMA News
