Kinumpirma ni Apple David na isang buwan na silang nagde-date ni Chad Gammad na mas bata sa kaniya ng ilang taon.

"I know it's very risky relationship because of the age gap, but it's a risk we are both taking," saad ni Apple sa isang video statement.

"I hope people can be kind enough to allow us to do that in peace," dagdag niya.

Nauna nang pinag-usapan sa social media sina Apple at ang college basketball player na si David dahil sa agwat ng kanilang edad. Si Apple ay 33-anyos, habang 18-anyos naman ang binata nitong lang Oktubre 2025.

Sa isang TikTok live noong Lunes, pinuna ni Apple ang mga netizen at sinabing, “Sobrang hirap bang rumespeto ng desisyon ng ibang tao? We're happy. Supportive ang families namin."

"Naiintindihan ko na bata siya but he's not a minor," saad ni Apple sa video. "I'm not even a groomer, 18 na siya nung nakilala ko siya. Hindi ko naman siya pinalaki."

"I also have a choice. Masama ba bigyan ng chance 'yung 18 year old? Nag-click eh. What am I supposed to do?," dagdag niya.

Binura rin kinalaunan ang TikTok video pero kumalat online matapos itong ma-download ng ilang netizen.

Sa kaniyang pahayag na ipinalabas sa Frontline Pilipinas, humingi ng paumanhin si Apple sa mga taong nasaktan o na-offend sa kanilang desisyon at nagpasalamat sa mga nakakaunawa sa kanila.

"We're sorry but we ask for respect as this should be a happy time for us," saad ni Apple. — FRJ GMA News