Sa kabila ng matinding emosyon sa pag-alis ng kanilang padre de pamilya na isang overseas Filipino worker, nasingitan pa rin ito ng tawanan dahil sa biro ng anak tungkol sa pag-iyak ng kanilang ina.
Sa ulat ng GMA News Feed, napag-alaman na umuwi para magbakasyon ng dalawang linggo sa Pilipinas ang amang OFW na si R-jay.
Pitong taon na siyang nagtatrabaho sa South Korea at isang land-based ship building worker sa isa pagawaan ng barko sa nasabing bansa.
Kaya naman bihira lang makapiling at maka-bonding ni R-jay ang kaniyang dalawang anak na sina Atara, 10-anyos at Elicia, 7-anyos.
Pero nang dumating na ang araw na kailangan na niyang bumalik sa Korea, makikita sa video kung gaano katindi ang iyak at lungkot ng dalawang anak.
Ang asawa naman ni R-jay na si Christine, pinipigilan ang pag-iyak dahil kailangan niyang magpakatatag para sa dalawang anak.
Nang magbilin na si R-jay kay Christine na mag-ingat sila ng kanilang mga anak at magsabi na na mag-book ng sasakyan papuntang airport, hindi na napigilan ni Christine ang pagbuhos ng kaniyang emosyon at luha.
Pero ang kanilang iyakan, nahaluan ng tawanan dahil sa mapagbiro nilang panganay.
“Mommy, ang pangit mo Ma,” sabi ni Atara nang makitang umiyak na ang kaniyang ina.
Kaya naman ang emosyonal na pamilya, naging iyak-tawa!
Sadya raw masayahin ang pamilya nina Christine at R-jay, at nakuha raw ng mga bata ang sense of humor ni Christine na malakas mang-asar.
Malungkot man sila sa muling pag-alis ni R-jay, naisingit pa rin ng pamilya ang maging masaya na sama-sama. – Jamil Santos/FRJ GMA News
