Sa tuwing nagkakaroon ng malakas na ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat, madalas na naririnig ang salitang “thunderstorm.” Ano nga ba ang thunderstorm at paano ito nabubuo? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kuya Kim, Ano Na?” ipinaliwanag ni Kim Atienza na isang local scale weather system o lokal na samâ ng panahon ang thunderstorm, na nabubuo sa isang lugar na puwedeng magdala ng malakas na buhos ng ulan, hangin at kung minsan ay may maliliit na tipak ng yelo, na may kaakibat na pagkulog at pagkidlat.

Karaniwang umaabot lamang ng isa hanggang dalawang oras ang thunderstorm.

Nagkakaroon ng thunderstorm kapag mabilis na umaangat o tinatawag na “updraft” ang mainit at mamasa-masang hangin na malapit sa lupa.

Sa pag-akyat nito, lumalamig ang hangin at nagko-condense ang water vapor at nabubuo ang ulap. Sa pagtuloy-tuloy ng proseso, pumuporma ang cumulonimbus cloud o ang ulap na pangunahing nagdudulot ng thunderstorms.

Habang nasa loob ng ulap, lumalaki ang mga patak ng tubig hanggang sa magiging masyado itong mabigat para manatiling nakalutang sa updraft. Kalaunan, babagsak na ito bilang ulan.

Kasabay nito, bumababa rin ang malamig na hangin o “downdraft” na naghahatid ng ulan at malakas na bugso ng hangin papunta sa lupa.

Habang tuloy-tuloy ang paggalaw ng hangin pataas at pababa sa loob ng cumulonimbus cloud, nabubuo ang malakas na ulan, pagkulog at pagkidlat na katangian ang thunderstorm.

May iba't ibang klase ng thunderstorms.

Una ang single-celled thunderstorms, na mahina at maikling bagyo, at multi-celled thunderstorms na isa sa pinakakaraniwang uri, na binubuo ng magkakasamang thunderstorms.

Isa pang uri ang squall line na nagsasama-sama mga thunderstorm para bumuo ng isang mahabang linya na maaaring umabot ng daan-daang milya.

Pinakapeligroso sa lahat ang supercell thunderstorm na may abilidad na makalikha ng mga buhawi o tornado.

Itinuturing severe ang isang thunderstorm kapag may dala itong malalaking tipak ng yelo, malakas na hangin lampas 57 milya kada oras, o kaya ay tornado o bagyo.

Tinatayang nagaganap ang mahigit 60 milyong thunderstorms sa buong mundo bawat taon. At may humigit kumulang 2,000 thunderstorms na magkakasabay na nagaganap sa iba't ibang parte ng planeta.

Paalala ni Kuya Kim, laging maging mapanuri sa tuwing may inilalabas na thunderstorm warning ang PAGASA. At huwag balewalain ang mga babala para manatiling ligtas sa masamang panahon. – FRJ GMA News