Kung ginto ang hinahanap sa Metro Manila, marami nito sa Ongpin sa Binondo, Maynila. Ang ilan na mayroong mga gintong alahas, kuminang daw ang buhay dahil sa pag-buy and sell nito. Papaano nga ba kilatisin kung tunay ang ginto? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” ipinaliwanag ni Melissa Lumbad, bumibili at nagbebenta ng ginto, na hindi na bumabalik sa dati ang presyo ng ginto kaya naman pagtuloy ang pagtaas ng halaga nito.
“‘Pag tumaas siya, ‘di ba dati, ganito lang per gram, tapos biglang tumaas. Hindi na siya babalik sa ganitong price. Kaya 'yung mga may alahas nu’ng araw at binenta ngayon, suwerte na,” sabi ni Lumbad.
Sa pag-buy and sell ng ginto, mahalaga na marunong kumilatis ang isang tao.
Una munang kukunin ang kulay ng alahas sa pamamagitan ng pagkiskis nito sa buhay na bato.
Sunod itong papatakan ng nitric acid para malaman kung totoo ang ginto. Tunay itong ginto kung hindi nawala ang kulay nito sa bato, at peke kapag naglaho.
Itinuturing nang status symbol ang ginto noong ika-16 siglo pa lamang, na nagpapahiwatig ng mataas na posisyon sa lipunan gaya ng mga datu at babaylan. Napupuno ng alahas ang kanilang mga leeg at braso, at nakapalamuti ito sa kanilang mga kasuotan.
Maliban sa pagiging burloloy, ginamit din ang ginto bilang salapi sa pakikipagkalakalan. At ang mismong ginto, naging kalakal din.
Tunghayan sa I Juander ang pagkilatis ni Empoy sa gintong alahas na ibinenta ng isang seller, at kung nagkano ito nabili na ikinagulat ng komedyante. Panoorin.—FRJ GMA News
